Trigger Warning: Mention of bullying
Nagsalita na ang aktor na si Rob Sy kaugnay ng criminal complaint na isinampa ng mag-asawang Alfred Vargas at Yasmine Espiritu Vargas laban sa kanya at sa partner niyang si Jovelle Bacosa.
Sina Rob at Jovelle ang mga magulang ng batang inaakusahan nina Alfred at Yasmine ng pambu-bully sa kanilang anak.
Parehong menor de edad ang dalawang batang sangkot sa usaping ito.
Ang anak nina Alfred at Yasmine ay pitong taong gulang, habang ang anak nina Rob at Jovelle ay walo ang edad.
Paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination ang reklamong inihain nina Alfred at Yasmine laban kina Rob at Jovelle.
Isinampa ang reklamo sa Office of the City Prosecutor ng Maynila noong Lunes, Abril 13, 2026.
Nag-ugat ang pagsasampa ng reklamo dahil madalas umanong itinutulak at nilulunod ng anak nina Rob at Jovelle ang anak nina Alfred at Yasmine sa tuwing may ensayo sila ng swimming.
Ayon sa kampo nina Alfred at Yasmine, nabigo sina Rob at Jovelle na gampanan ang kanilang tungkulin, alinsunod sa Family Code.
Read: Alfred Vargas, wife Yasmine file complaint vs parents of son's alleged bully
ROB SY STRONGLY DENIES ALLEGATIONS AGAINST HIS EIGHT-YEAR-OLD SON
Mariing pinabulaanan ni Rob Sy ang alegasyong bullying laban sa kanyang eight-year-old son.
Sa pamamagitan ng Facebook post niya kahapon, April 14, 2026, binasag ng former Survivor Philippines castaway ang kanyang pananahimik.
Ayon kay Rob, buong tapang nilang haharapin ni Jovelle ang reklamong isinampa laban sa kanila.
Bilang magulang daw ay napakasakit na maakusahan ang kanilang anak ng pambu-bully, lalo na raw kung "hindi totoo at malinaw na binaliktad ang naratibo."
Buong post ni Rob (published as is): "Tahimik lang po akong tao, ayaw ng Kaaway, ayaw ng Gulo.
"Kahit pa madalas na naaabuso, Umiiwas pa rin sa Negatibo, dahil laging pinapa-iral ang Kapayapaan at Respeto.
"Pero sa Patuloy na Pang-aagrabyado sa aking Pamilya, lalo na sa aking Anak, panahon na para basagin ang Katahimikan
"Sa aming mga Pamilya at mga Kaibigan, humihiling po kami ng Dasal at Pang-unawa, at Makakaasa po kayo na buong tapang naming haharapin ni Jovelle ang nasabing reklamong isinampa sa Manila City Prosecutor’s Office na di umano nambully ang aming anak
"Sobrang sakit bilang Magulang na maakusahan ang aking 8-Year-Old na Anak lalo na’t Hindi Totoo at Malinaw na Binaliktad ang Naratibo.
"Tama na!!! Sobra Na!!! Labis na ang Paninira
"IPAGLALABAN PO NAMIN ANG KATOTOHANAN
"Wala man po kaming Yaman at Impluwensya, Hawak naman po namin ang Integridad at Katotohanan na Hindi Nabibili ng Posisyon
"Maraming Salamat po!!! at Maraming Salamat po sa Gabay at Proteksyon at Malinaw na Pagpapaliwanag sa Proseso ng Batas"
Naka-tag sa kanyang post ang "The Pinoy Street Lawyer Official."
Gumamit din si Rob ng mga hashtag na "#WagAngAnakKo," "#TruthOnly," "#LookWhosTalking," at "#DavidVsGoliath"
Hindi binanggit ng character actor ang pangalan nina Alfred at Yasmine sa kanyang post.
Ngunit kalakip ng post ang screenshot ng ulat ng GMA News tungkol sa pagsasampa ng reklamo nina Alfred at Yasmine, at makikita ang larawan nila kasama ng kanilang abogado.
Read: Ama ng nam-bully umano sa anak ni Alfred Vargas, isa ring aktor
