Abswelto ang Kapamilya actor na si Tony Labrusca, 25, sa reklamong slight physical injuries na isinampa ni Dennis Ibay Jr.
Si Dennis ay kapatid ng businessman at jeweller na si Drake Dustin Ibay.
Ibinasura ng Office of the Prosecutor ng Makati City ang reklamo dahil paso na ito, ayon sa batas ukol sa prescription o period of filing of complaint.
Ngayong Martes, Hulyo 13, natanggap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang kopya ng resolution na pirmado ni Senior Assistant City Prosecutor Edmund Seña.
Nilagdaan ito noong Hunyo 12, 2021.
Sabi sa bahagi ng resolusyon: "This resolves the complaint for slight physical injuries filed by Dennis F. Ibay Jr. against Anthony Angel Jones Labrusca Jr., a.k.a. 'Tony Labrusca.'
"Record shows that the incident subject matter of the case happened on January 16, 2021.
"However, the complaint was only filed before this Office on June 04, 2021, or after more than two (2) months from the time of the incident."
Ipinaliwanag din ng prosecutor na ang krimeng slight physical injuries ay may parusang "arresto mayor," o isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan na pagkakakulong, alinsunod sa Article 266 (1) ng Revised Penal Code.
Maituturing din daw itong "light felony," na may dalawang buwan lamang na palugit sa filing sa piskalya mula sa petsa kung kailan nangyari ang insidente.
Sabi pa sa resolusyon: "Considering that the complaint for slight physical injuries against respondent was only filed on June 04, 2021, or after more than two months from the date of its alleged commission, the crime is already extinguished by reason of prescription.
"WHEREFORE, premises considered, it is respectfully recommended that the complaint for slight physical injuries against Anthony Angel Jones Labrusca, Jr., a.k.a. 'Tony Labrusca' be dismissed on the ground of prescription."
THE INCIDENT AT A HOUSE PARTY
Inireklamo ni Dennis si Tony dahil sa insidente ng pananakal umano ng aktor kay Dennis na nangyari sa tahanan ng mga Ibay, bandang alas tres ng umaga noong January 16, 2021.
Birthday celebration daw iyon ng nakababatang kapatid na babae ni Drake.
Noong Mayo 25, unang isinapubliko ni Drake ang pag-alma ng kanilang kampo laban sa umano'y "violent behavior" ni Tony sa gitna ng kasiyahan noong Enero.
Sinabi rin ni Drake na hinuburan umano ni Tony ng pantaas na damit ang isang female guest sa party.
Sinubukan daw ng mga sangkot na partido na ayusin nang tahimik ang nangyaring insidente.
Pero base sa Instagram posts ni Drake, galit na galit ang kampo niya dahil sa diumano'y pagsisinungaling at pagtatakip ng ina ni Tony na si Angel Jones sa hindi magandang inasal umano ng aktor.
Kaya noong June 4 ay personal na naghain ang kapatid ni Drake na si Dennis ng reklamong slight physical injuries laban kay Tony.
"UNFOUNDED CLAIMS"
Noong araw ring iyon, sinabi ng kampo ni Tony na "mere allegations" at "unfounded claims" ang ibinabato sa kanyang kliyente.
Sabi ng abogada ni Tony na si Atty. Joji Alonso: "We call the public to be mindful of casting judgment based on mere allegations and unfounded claims.
"We welcome the legal process taking its course, where in the end, the truth shall always prevail.
"We look forward to clearing @tony.labrusca's name."
Sa kabilang banda, may dalawang bilang ng acts of lasciviousness ang inihain ng female complainant laban kay Toni, sa Makati Prosecutor's Office, noon ding June 4.
Sa ngayon ay pending pa ang resolusyon ng Makati prosecutor ukol dito.
Bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.