JERRY OLEA: Kilig-kiligan ang mga may-edad na Vilmanians nang dumating si Edgar “Bobot” Mortiz sa lamay ni Milagros Santos, ina ni Vilma Santos, nitong Abril 3, Miyerkules ng gabi, sa Loyola Memorial Park sa Sucat Rd., Parañaque City.
“Oo naman. At saka I’m sure, si Mama, natuwa,” napangiting sambit ni Ate nang mainterbyu namin.
“Kasi, since this morning, as early as 7 A.M., may mga pumupunta na kay Mama.
“And then, yung mga long-time friends na matagal mong hindi nakita, nagpupunta rito. Nakikita mo silang muli.
“Lalo na yung mga nagmahal kay Mama. Ang ganda! Kaya I’m sure, masaya si Mama.”
Pasado 10:00 P.M. na kami dumating sa burol.
Nakita namin doon si Ryan Christian Recto na magiliw na nagpapalitrato kasama ang Vilmanians.
Andoon din si Senador Ralph Recto at nag-iistima sa mga nakikiramay.
Hindi namin naabutan ang magkasintahang Luis Manzano at Jessy Mendiola.
Bukas (Abril 5, Biyernes) ang “big night” o huling gabi ng viewing sa cremains ni Mama Milagros.
Si Cardinal Gaudencio Rosales ang magmimisa ng 6 P.M.
Sa Abril 6, Sabado ng umaga, ang libing.
NOEL FERRER: Magandang gesture ang ginawa ni Bobot sa dating ka-love team.
Mahirap lang ang sitwasyon ni Ate Vi ngayon dahil nangyari ito sa panahon ng kampanya.
Pero of course, family first! At kaisa kami ni Ate Vi—lalo na sa ganitong panahon.
GORGY RULA: Sabi ng ilang Vilmanians, pagdating sa pamilya, talagang bumibigay si Cong. Vi.
Alam daw nilang masakit pa rin sa kanilang idolo na tanggaping ulila na siya. Kaya nandiyan lang sila na laging umaalalay sa kanya.
Nasa public viewing na ang Vilma Santos Friends Forever, Inc. (VSFFI) kagabi. May pin sila para pagkakakilanlan.
Present pa rin daw sila sa lamay ngayong Huwebes hanggang Sabado ng umaga.
Hopefully ay makapunta na ngayong Huwebes ang Vilma Santos Solid International (VSSI) faction na pinamumunuan ni Jojo Lim.
Nakakatuwa ang walang-sawang suporta ng Vilmanians for All Seasons sa kanilang iniidolong aktres.
Ganito rin kaya sumuporta ang millennial fans sa mga kabataang artista ngayon?
Teka! Ang kumare ni Vilma na si Nora Aunor, makikiramay kaya?