JERRY OLEA: Nahihiya si Robin Padilla kina Jodi Sta. Maria at Richard Yap, co-stars niya sa Kapamilya teleseryeng Sana, Dalawa Ang Puso.
“Tagahanga nila ako,” sambit ni Robin sa presscon kagabi sa 9501 Restaurant, ELJCC Bldg., ABS-CBN Compound, QC.
“Bata pa ako, napapanood ko na sila. Nanonood po talaga kami ng Be Careful With My Heart.
“Hindi nga po ako makapaniwala nu’ng sinasabi sa akin na makakasama ako.
“Talagang nag-isip ako... Teka, mahirap yatang maging kontrabida sa dalawang ito! Kasi, kahit ako mismo, solid kasi ako na Jodi at Richard, eh!
“Siyempre, ang ginawa ko po, kinausap ko si Richard. Tiningnan ko kung papayag siya.
“Pumayag naman si Richard. OK naman po si Miss Jodi.
“Kami po ni Richard, hindi pa po kami nagkakaeksena. Pero kami po ni Miss Jodi... Masyadong magaling po itong artistang ito kaya medyo nababalahibuhan po ako, eh.
“Pag sa eksena ho, buti na lang ho, naga-guide ako ni Direk Rory [Quintos].
"Kasi, medyo pag talagang napatitig ka sa mga mata niya, makakalimutan mo na yung mga linya mo.
“Kaya inalalayan akong mabuti ni Direk Rory.”
Napapangiti at mabining natatawa si Jodi sa matatamis na papuri sa kanya.
Pagpapatuloy ni Robin habang nagtitinginan sila ni Jodi, “Maraming salamat at napagpapasensiyahan mo ako, ang aking mga... alam mo na, medyo na ako ngayon! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!
“Mahirap nang magbasa ng linya! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!”
Kontra ni Jodi, “Kailangan ko lang sabihin, na si Kuya Robin, pag nasa set siya, lagi siyang prepared.
“Saka siya yung tipo ng artista na talagang sasabihin niya, ‘Mag-read lines tayo.’
“Talagang he’s ano... ready! Thank you, Kuya! Kasi, dahil dun, napapadali din ang trabaho naming lahat!”
NOEL FERRER: Major challenge talaga sa Sana, Dalawa Ang Puso ang maibalik ang dating kinang ng Be Careful With My Heart at kahit ng Oh My G! sa morning timeslot.
Exciting ding malaman ang magiging katapat nito (na station-produced na raw) dahil napapabalitang matatapos na rin ang The Lolas' Beautiful Show nina Jose, Wally, at Paolo na pre-programming ng Eat Bulaga.
GORGY RULA: Okay lang yung kiyeme at pang-eeklay ni Robin dun sa presscon ng bagong teleserye nila nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap.
Ang medyo na-off lang ako yung pinanindigan nya yung ginawa nya sa Koreanong nagpa-audition sa Pilipinas Got Talent.
Bilang isang makabayan daw, ginawa raw nya yun sa Koreano.
Hindi naman sa pagsasalita lang ng Tagalog ang batayan ng pagiging makabayan, eh.
Mahabang usapin pa 'yan, pero hindi ko nagustuhan ang ginawa niya sa episode na yun ng PGT.
"Di ba, universal language naman ang English? At kahit anong legguwahe man yun, ang mahalaga ay nagkakaintindihan tayo?
Kapag nasa ibang bansa ba si Robin ay nag-a-adjust ba siya sa lengguwahe nila? Nag-i-Espanyol ba siya nung nasa Espanya siya?
Reminder na rin 'yan kay Aljur Abrenica, huh?! Huwag nyang Englisin si Robin pag magkausap na sila!
JERRY OLEA: Dahil sa teleseryeng Sana, Dalawa Ang Puso, tigil muna si Robin sa shooting ng dalawang pelikula—ang Bad Boy 3 at Marcelo H. del Pilar.
At gaya sa Unexpectedly Yours movie nila ni Sharon Cuneta, “pagtitripan” muli ang bigote ni Robin sa teleserye nila ni Jodi.
Lahad ni Robin, “Ewan ko ba, bakit nila pinag-iinitan ang buhok ko, ang bigote ko.
"Si Direk Cathy [Garcia-Molina], b*y*g ko yung ipinakita sa pelikula.
“Hindi ko talaga alam kung ano nila... sige! Kahit ano, walang problema! Trip n’yo ‘yan, babasagin ko pa ba?
“Ang tanda ko na! OK lang! Kahit anong gusto nila! Ibibigay ko po!”
Pwede na siyang magpakita ng butt?
“Pwede rin naman akong frontal! Ha! Ha! Ha! Ha!” hagalpak ni Robin, kasabay ng halakhak nina Jodi, Richard, at media people.
Totoo ba ‘yan o echos lang?
Kaswal na pahayag ni Robin, “Ahh, wala ako talagang... sa panahon ngayon, di ba? Ano pa ba naman?
“Magsisingkuwenta na ako. Isipin mo ‘yon, magpi-fifty ka, pinag-iinteresan ka pang makita yung puwet mo saka frontal.
“Maging proud ka, di ba?”
Noon, ayaw niya ng mga ganyang eksena...
Paliwanag ng beteranong aktor, “Bakit ko naman babarilin‘yung mga idea ng mga bagong direktor na ito? Ang KJ ko naman, di ba?!
“Kumbaga, kung inabot nila ako noong kasagsagan ko, baka matanggap nila, ‘Ayokong gawin ‘yan! Ayokong gawin ‘yan! Ayokong gawin ‘yan!’ Siguro, maiintindihan ako ng mga bagong direktor.
“Pero coming out from nowhere, babalik ka rito at sasabihin mo sa mga bagong direktor, ‘Ayokong gawin ‘yan!’
“Eh, isa lang ang sasabihin nila, ‘May sira ang ulo ng matandang ito!’
“Iyon lang ang akin. Kinukuha n’yo ako, gusto n’yo akong bigyan ng trabaho... eh gagawin ko na!
“Totoo ‘yan! Kahit si Direk Cathy, tanungin ninyo, hindi nagdalawang-salita sa akin ‘yan, ‘Tanggalin mo ang short mo!’
“Alright! Tanggalin ang short!
“Wala nang arte-arte!”
Wala nang isyu kay Robin ang eksenang hubaran.
“Wala! Wala na!” matagintinting niyang bulalas.
“Basta ipaliwanag mo lang, bakit ko gagawin? Kasi, pag sinabi mong maghubad ka lang diyan... teka muna! ‘Ano po bang eksena ‘to?’
“‘Ganito, maliligo ka. Panonoorin ka ni Sharon.’
“Sabi ko, ‘Sharon! Panoorin mo ako talaga!’”
NOEL FERRER: Kung kilala niyo naman si Robin, parang karinyo-brutal lang niya yang paninindak niya.
Sa loob niya ay isang napaka-compassionate na tao—na ngayon ay major mover sa rebuilding ng Marawi.
Aminin natin, there’s more to Robin than just his looks and demeanor.
We just need to see through him and his actions.