JERRY OLEA: Best actor si Allen Dizon sa 16th Dhaka International Film Festival noong Sabado ng gabi, Enero 20, sa Bangladesh.
Ito ay para sa pelikulang Bomba (directed by Ralston Jover), na lumaban sa Main Asian Section.

Labimpitong pelikula ang kalahok dito mula sa 13 bansa.
Bukod sa Pilipinas, lumahok dito ang Afghanistan, China, India, Iran, Iraq, Kyrgyzstan, Lebanon, Nepal, Turkey, UAE, Yemen at Italy.
Ang mga hurado ay mula sa USA, India, Norway, Bangladesh, at Iran.
Ikapitong international best actor award ito ni Allen.
Sa kabuuan ay 29 na ang acting awards niya—24 bilang best actor (local and international), apat bilang best supporting actor, at isa para sa best ensemble.
Sa dinami-rami ng karangalang natamo ni Allen para sa bansa, wala pa ring TV crew na sumalubong sa kanya pag-uwi rito kanina, Enero 21, ng hapon.
“Hindi naman kailangan. Secure na ako sa awards na nakukuha niya. Nakatatak na yun,” sabi ng manager niyang si Dennis Evangelista.
NOEL FERRER: Congratulations kay Allen sa patuloy na pagbibigay niya ng karangalan sa bansa sa mga awards na tinatanggap niya para sa mga kakaiba at risque na mga pelikulang pinaghihirapan talaga niya at ng manager niya.
Excited ako sa pelikula nila ni Juday under Brillante Mendoza na may pamagat na Bayang Magiliw.
More blessings to come to good and hardworking people, indeed!
GORGY RULA: Bakit nga ba ganun? Bakit tila hindi pa rin binibigyan ng tamang pagpapahalaga si Allen Dizon?
Kailangan yata niyang magkaroon ng box office hit na pelikula para mapansin na siya.
Wala pa akong naalalang award na nakuha ni John Arcilla sa isang international film fest, pero isang magaling na aktor ang pagkakilala sa kanya dahil sa meron na siyang Heneral Luna na tumabo nang bonggang-bongga aa takilya.
Palagay ko, iyon na lang ang kulang kay Allen.
JERRY OLEA: Masayang-masaya si Allen dahil full force ang suporta sa kanya ng mga Pinoy sa naturang film fest ng Bangladesh.
Pinangunahan iyan ni Ambassador Vicente Vivencio T. Bandillo. Nanood sila sa screening ng Bomba, at dumalo sa awarding ceremony noong Saturday night.
Kuwento pa ni Dennis Evangelista, “Sumabog ang tilian at palakpakan nang tawagin ang pangalan ni Allen bilang best actor.
“Very Miss Universe ang peg kaya ang saya-saya!
“Inialay ni Allen ang award niya sa Filipino community bukod sa kanyang pamilya at kasamahan sa mga trabaho sa Bomba.
“Hayun, picture-picture sila kay Allen!”

Noong Sabado, bago ang awarding ceremony, nag-lecture si Allen sa Bangladesh Film and Television Academy sa Dhaka.
Walang kinalaman sa film fest ang lecture. Nalaman kasi sa embassy na pupuntang Bangladesh si Allen, kaya inimbitahan siya ng school.
“Ang may-ari ng school ay si Afsana Mimi. Parang siya ang Sharon Cuneta ng Bangladesh,” lahad pa ni Dennis Evangelista.
“Maraming aspiring actors na pumunta sa lecture. Na-share ni Allen na 12 years old siya nang namatay ang father niya kaya hirap sila sa buhay.
“Nagmodelo siya at nag-artista sa sexy films. Raket-raket lang dahil kailangan niyang tumulong sa nanay sa pagpapaaral sa mga kapatid, at siya rin na nag-aaral that time.
“Nagbago ang konsepto niya sa pag-arte noong nagkaedad na siya, na kailangan niyang mag-grow as an actor kaya namili na siya ng projects.
“Sinuwerte siya na makakuha ng magagandang role at mahuhusay na director.
“Very inspiring sa mga taga-Bangladesh ang kuwento niya, kaya applauded siya ng aspiring actors doon.”
GORGY RULA: Sana gawin ng Maalaala Mo Kaya o Magpakailanman ang kuwento ng buhay niya.
JERRY OLEA: Nakatapos na si Allen ng dalawang pelikula kay Brillante Mendoza—ang The Right To Kill (kung saan bida siya bilang pulis na amoral at emotionless sa pagpatay) at Ang Bayang Magilliw (katambal si Judy Ann Santos).
Nasa post production na ang Persons of Interest (directed by Ralston Jover, na nagdirek ng Bomba), kung saan dual role siya.


Andiyan pa ang Latay (also under Ralston Jover), na battered husband naman ang papel niya.