JERRY OLEA: Napabuntong-hininga si Direk Maryo J. de los Reyes noong ENERO 6, Sabado nang gabi sa Mowelfund Film Institute nang usisain namin tungkol sa nangyari kay Robin Robel.
Nadakip kasi si Robin (orig member ng Masculados) the day before dahil sa isyung droga.
Aniya, “May gagrabe pa ba sa nangyari kay Ozu [Ong]? At least, buhay siya!”
Si Ozu ay member ng Masculados Dos na binaril noong Agosto 2015.
New Year Party ng Studio 56 ni Direk Maryo noong Enero 6. Masaya siya na andoon ang mga alaga niya at mga kaibigan.
Naroon sina Yul Servo, Ruru Madrid, Katrina Halili, Ana Capri, Myrtle Sarrosa, Orlando Sol, Cloyd Robinson, Romano Vasquez, Deborah Sun, Tintin Bueno Ng, Miggs Cuaderno at marami pang iba na nakikita namin sa mga pa-party ni Direk Maryo all these years.
May mga kantahan, sayawan, exchange gifts at games.
ENERO 8, Lunes nang gabi, nagkita kami ni Direk Maryo sa birthday party ni Dennis Evangelista sa Marco Polo Hotel Ortigas.
Kasama niya roon si Orlando Sol.
Masayang inilahad sa amin ni Direk Maryo na sobra-sobra ang gift items sa pa-New Year party niya, at inabot pa sila nang 3:00 AM sa kuwentuhan.
ENERO 13, Sabado nang gabi, nagkita kami nina Direk Maryo, Deborah Sun, Ana Capri, Katrina Halili, at Gorgy Rula sa birthday party ni Jorge Victorio sa Mama Dad’s, R. L. Fernandez St., San Juan City.
Tawanan kami nang tawanan sa mga throw back stories kaugnay sa past movies niya, gaya ng kapilyuhan ni Roel Vergel de Dios sa set ng Apat na Maria, ang pag-ahon ni Junior (pinagtalunan namin kung buhay pa o tegi na) sa bathtub sa shooting ng Disco Madhouse, ang premiere night ng Annie Batungbakal kung saan nag-stampede ang Noranians, ang puyatan sa shooting ni Lorna Tolentino ng Diosa sa Daranak Falls, at kung anu-ano pa.
Seryoso naman ang diskusyon namin tungkol sa 3rd ToFarm filmfest ngayong taon. Unang naiulat iyon dito sa PEP Alerts.
Saludo si Direk Maryo J kay Dra. Margarita How (prime force sa likod ng ToFarm filmfest & songfest) sa pagmamalasakit nito para sa mga magsasaka.
Napag-usapan din namin si Myrtle Sarrosa, na ilulunsad niya sana sa isang sexy drama ng Regal Films na kung maaari e magsu-shooting sa Singapore.
ENERO 17, Miyerkules nang gabi, nagkayakapan kami ni Direk Maryo sa Appreciation Dinner ng MMFF 2017 sa Sampaguita Gardens.
Kabilang siya sa mga pinagkalooban ng Gawad, bilang isa sa members ng MMFF 2017 Selection Committee.
Masaya siya para sa success ng Siargao ni Direk Paul Soriano. Nagustuhan niya ang daloy ng kabuuan nito.
ENERO 22, Lunes nang gabi, nagkayakapan lang din kami bilang pagbati sa presscon ng Sherlock Jr. sa Cities Events Place.
Kami ang sinabihan doon ni Sharmaine Arnaiz na malaki ang pasasalamat niya kay Direk Maryo, dahil ito ang nagtiwala sa kanya para makabalik siya sa showbiz.
ENERO 28, Linggo, 6:40 AM, nag-text sa amin si Direk Cloyd Robinson, “Mababaliw ako. 'Di ko alam ang gagawin ko. Ano ba ‘to? Lord, ano ‘to?
“Di ko alam ang gagawin ko. Nanghihina ako. Nag-text pa siya sa akin noong Friday. Nasa Dipolog siya.”
Sumagi agad sa isip namin ang New Year party ni Direk Maryo J ilang taon na ang nakaraan sa penthouse ng condo na malapit sa Delta Theater, sa may West Av., QC.
Naghahalakhakan kami noon nina Mark Gil, Jake Tordesillas, Direk Maryo J at Direk Cloyd.
Binibiru-biro namin si Direk Cloyd.
Ilang beses na siyang nakipaglaro kay Kamatayan, at lagi siyang survivor.
NOEL FERRER : Salamat Direk sa napakaraming pelikula tulad ng Magnifico, Bagets, My Other Woman, Naglalayag, Kaya Kong Abutin Ang Langit, Annie Batungbakal at ang paborito ko talagang Saan Darating Ang Umaga.
Thank you for the movies, Maryo J!
Most of all, thank you for the friendship.
Hinihintay pa rin ang plano sa wake ni Direk Maryo at kung ano ang gagawin sa kanyang mga labi na manggagaling sa Dipolog.
Grabe at ramdam na ramdam ang lungkot na bumabalot sa ating industriya sa pagpanaw ni Direk Maryo.
GORGY RULA: Si Direk Maryo pa naman ang nag-push nang husto na dapat daw ay i-launch na ng Regal bilang bagong sexy star si Myrtle Sarrosa.
Sabi pa ni Direk, dapat daw mabalik na ang mga sexy films dahil ito lang ang mahirap mapalusot sa TV.
Nagtatanong pa siya noon kung sino ang nababagay na i-partner kay Myrtle.
JERRY OLEA: PM namin kay Orlando Sol (isa sa Masculados Dos), hindi pa rin kami makapaniwalang pumanaw na si Direk Maryo J.
Parang hindi totoo. Parang nananaginip lang kami.
Nag-send sa amin ng crying sticker si Orlando at ang sabi, “Sana nga po, hindi na lang totoo. Sana, panaginip lang.
“Ang saya-saya pa namin sa trip last week sa Subic.
“Pinag-uusapan pa namin iyong mga gusto niyang mangyari para sa amin, mga plano niya.
“Paano na kami? Paano na ako?
“Siya lang naman ang naniniwala sa kakayahan ko, sa talent ko...
“Wala na po akong kakampi.”