Si Sarah Geronimo ang naging tulay at instrumento para muling marinig ng publiko at makilala ng millennials ang "Rain," "Kiss Me, Kiss Me" at "Forbidden," ang OPM songs na ni-revive niya at kasama sa official soundtrack ng Miss Granny.
Si Boy Mondragon ang original artist na nag-record ng "Rain" na hit song noong 1970.
Si Efren Montes naman ang umawit ng "Kiss Me, Kiss Me" na sikat na sikat noong 1971.
At ang retired singer-actress na si Norma Ledesma ang nagpasikat sa "Forbidden."
Bukod sa superb performance ni Sarah sa Miss Granny at pagiging blockbuster ng pelikula, pinag-uusapan din ang madamdaming rendition niya sa mga nabanggit na kanta, pati na sa Isa Pang Araw na original composition ng Philippine Idol contestant na si Miguel Mendoza.
Ikinuwento ni Sarah sa Cabinet Files na sina Viva Films big boss Vic del Rosario at Viva executive Baby Gil ang pumili ng kanyang mga kinanta sa mga eksena ng Miss Granny.
“Talagang napakalaki ng naging impact ng mga song na yon para mabuo yung pelikula, itong Philippine version ng Miss Granny.
“Si Boss Vic, si Tita Baby Gil ang pumili ng mga kanta. Talagang binusisi nila yung mga nararapat, nababagay na songs para sa story.
“Yung 'Isa Pang Araw,' I just learned kanina na yung song pala na yon na sinulat ni Miguel Mendoza ay para talaga sa parent niya who passed away kaya pala ganoon ang puso ng kanta.
“I think ang greatest fear nating lahat na mga anak ay yung mawala ang ating mga magulang.
“Naiisip ko pa lang, naiiyak na ako,” ang hindi natapos na pagsasalita ni Sarah dahil deeply affected siya ng topic.
Postscript: Malaking karangalan para kay Miguel Mendoza na personal na pinili ni Sarah ang "Isa Pang Araw" para maging theme song ng Miss Granny.
“A song really close to my heart inspired by my dad and sung beautifully by Miss Sarah Geronimo,” ang description ni Miguel sa "Isa Pang Araw" na iniaalay niya sa kanyang amang si Michael na pumanaw noong January 12, 2017 dahil sa lung cancer.
Tungkol sa isang tao na humihiling ng isa pang araw para makasama ang mahal niya sa buhay ang mensahe ng "Isa Pang Araw" na tunay na karanasan ni Miguel na humiling ng isa pang araw para makasama ang sumakabilang-buhay na ama.
Ang litrato nila ng kanyang ama noong nabubuhay pa ito ang profile pic ng Facebook account ni Miguel – isang patunay ng matinding pangungulila ng singer-composer sa magulang na itinuturing din niyang best friend.