Challenging para kay Louise delos Reyes ang mga nakalipas na buwan dahil sa pagkakasakit ng kanyang ina.
Kapag walang mga showbiz commitment, umuuwi si Louise sa bahay nila sa Cavite para alagaan ang nanay niyang may kidney illness at Alzheimer’s Disease.
"Last year, nasa ICU siya for three months after my dad died.
"Siya naman ang nagkasakit, chronic kidney disease. Nagda-dialysis siya ngayon.
"Iniuwi namin siya sa Cavite so, every week, I stay there for four days," sabi ni Louise.
Nalulungkot ang aktres sa kasalukuyang kundisyon ng nanay niyang dinamdam nang husto ang pagkamatay ng kanyang ama.
Kuwento ni Louise, "Three months siya sa ICU, as in akala namin, bibigay na siya pero lumaban siya.
"Naka-recover ang katawan niya kasi sobrang pumayat siya.
"Yung dialysis sa kanya, minsan, three times a week.
"Pero depende, kasi minsan, namamanas siya.
"Medyo nagkakaroon na rin siya ng Alzheimer’s Disease since na-confine siya sa ICU, yung part ng brain niya ang tinamaan.
"Pero minsan naman, okey siya.
"Every time na papasok ako sa kanyang kuwarto, sinasabi niya na bakit ang tagal-tagal ko, e, kapapasok ko lang.
"May recurring moments, makulit siya in a way na, 'Dito ka lang sa tabi ko. Na-dialysis na ba ako?' mga ganoon.
"Noong nasa ICU siya, ako yung nasa tabi niya dahil pinanghihinaan siya ng loob.
"Between my mom and dad, yung dad ko ang strength niya. Masyado siyang nakadepende sa dad ko.
"Ang prayers ko ngayon, gusto ko lang siyang maging healthy kasi nakakalimutan na niyang kumain or madali siya na nabubusog.
"Kung mahina siyang kumain, hindi niya kakayanin yung dialysis."
Bunso sa magkakapatid si Louise at siya na lang ang walang pamilya kaya siya ang nag-aasikaso sa kanyang maysakit na ina.
"Ako lang yung wala pang family kaya mas gusto ko talaga na nagtatrabaho ako.
"Yun ang sinasabi ko sa mom ko na hindi ako puwedeng mag-stay palagi sa tabi niya dahil kailangan kong magtrabaho para may panggastos kami," sabi niya.
Nagpapasalamat si Louise dahil sa kanyang bagong movie project sa Viva Films, ang Sanggano, Sanggago at Sanggwapo, habang naghihintay siya ng next television assignment.