Graded A ng Cinema Evaluation Board at Rated PG ng MTRCB ang Ulan.
Kaya may dahilan para maging masaya ang direktor na si Irene Villamor dahil puwedeng panoorin ng mga bata, basta may patnubay ng mga nakatatanda, ang bagong pelikula niyang magbubukas sa mga sinehan sa Miyerkules, March 13, 2019.
Malaking hamon kay Villamor ang Ulan dahil ito ang unang pelikula ni Nadine Lustre na hindi kasama ang love team at real-boyfriend nitong si James Reid.
Ang pagkakaalam ng publiko, isang love story ang Ulan.
Pero kapag napanood nila ang kabuuan, magkakaroon sila ng realization na tungkol sa pagmamahal sa sarili o self-love ang kuwento ng pelikula.
Ang Ulan ang pangatlong movie project ni Villamor na binigyan ng Grade A ng Cinema Evaluation Board.
Una ang kanyang directorial debut noong 2016, ang Camp Sawi, at ang Meet Me in St. Gallen na napanood sa mga sinehan noong February 7, 2018.
Tungkol sa paghahanap ni Maya (Nadine) ng tunay na pag-ibig ang kuwento ng Ulan, pero sa huli, matutuklasan niyang higit na mahalaga ang pagmamahal sa sarili.
Napaluha ang mga kasabay namin sa panonood ng special preview ng pelikula dahil tumagos sa kanilang puso ang eksena ng pagkikita ng mga gumanap na old at young Maya.
Ang child actress na si Ella Ilano ang young Maya sa Ulan, at sa tunay na buhay, big fan siya ni Nadine kaya memoryado niya ang lahat ng mga linya ng aktres sa movie and television appearances nito.