Miss Supranational 2013 Mutya Datul, nagtatrabaho pa ring checker sa hardware store

IMAGE Jojo Gabinete / Instagram

Si Mutya Johanna Datul ang kauna-unahang Asian at Pilipina na nanalo na Miss Supranational sa Minsk, Belarus, noong September 2013.

Sa kabila ng kanyang tagumpay, nananatiling simple ang pamumuhay niya dahil hanggang ngayon, nagtatrabaho siya bilang checker ng mga resibo sa isang hardware store sa 10th Avenue, Caloocan City.

"Marami akong bills na binabayaran, kailangan ko talaga ng monthly income kaya nagtatrabaho ako sa hardware bilang checker ng mga resibo.

"Naniniwala kasi ako na kapag continuous ang work, makakaipon ka nang marami.

"Ako ang breadwinner ng pamilya. Taga-Isabela talaga kami.

"Nakatira ako sa isang condominium building sa Cubao, yun din ang purpose ko kaya nagtatrabaho ako sa hardware, mahal ang monthly rental.

"May natitira naman, pangkain na lang," ang walang-halong pagpapanggap na sabi ni Mutya.

Dahil walang sariling sasakyan, araw-araw nagko-commute si Mutya para makapag-report sa hardware store at tuwing Biyernes, half day lang ang pasok niya dahil umiiwas siya sa trapik.

Noong nakaraang Biyernes, March 8, half day ang trabaho ni Mutya kaya pumunta siya sa opisina ng Viva Films para kunin ang talent fee niya para sa isang show.

Gulat na gulat ang former beauty queen nang sabihin ng kanyang handler na si John Navarro na kasama siya sa cast ng Sanggano, Sanggago at Sanggwapo—ang reunion movie nina Janno Gibbs, Andrew E., at Dennis Padilla.

"Nagulat talaga ako," sabi ni Mutya nang makausap siya ng Cabinet Files.

"Pumunta lang ako sa Viva para kumuha ng tseke tapos may pelikula agad ako.

"Sana mabigyan ako ng kahit apat na dialogue, kasi sa Deadma Walking, walking lang talaga ang ginawa ko."

Isinilang at lumaki si Mutya sa Isabela kaya mapapansin ang thick Ilocano accent niya kapag nagsasalita siya.

Nakakatawang kausap si Mutya dahil wala itong anumang pretensiyon sa katawan, isang dahilan kaya napanalunan niya ang Miss Personality special award sa Miss Supranational noong 2013 at, eventually, ang korona ng international beauty pageant na kanyang sinalihan.

"Walang nabago sa personality ko, pero sa buhay ko, kahit paano nagbago, nakatulong especially sa family ko.

"Sobrang totoo lang akong tao."

SANTA CLAUS

Pagkatapos nito ay nagkuwento si Mutya tungkol sa unang pagkikita nila ni "Santa Claus."

"May sasabihin akong story nang sumali ako sa Miss Supranational...

"Meron kaming one-day event na pupunta kami sa isang theme park sa Belarus.

"May pinuntahan kaming may Santa Claus, e, sa totoong buhay talaga, naniniwala ako kay Santa Claus.

"Sabi kasi ng mother ko, 'Dapat kapag Christmas, gumawa ka ng wish dahil ibibigay ni Santa Claus kapag narinig niya yung wish mo.'

"September yun, first time ko na nakakita ng naka-costume ng Santa Claus so, feeling ko, totoo siya.

"Tumakbo ako papunta sa kanya, hinimas ko ang mukha niya 'tapos nag-wish ako.

"Natupad naman ang wish ko na manalo akong Miss Supranational.

"Hindi ko alam, nakikita ng mga organizer yung ginawa ko. Ganoon pala yung naging effect sa kanila.

"Ang feeling ko talaga, sinuwerte lang ako.

"Sobrang nahirapan ako sa question and answer portion dahil yun ang weakness ko.

"Iyak ako nang iyak ako nang manalo kasi first time ko rin na pumunta sa ibang bansa, first ride ko sa airplane, iba pala kapag sumakay ka sa bus," kuwento ni Mutya.

SALAGUBANG WALK

Si Mutya ang nagpasikat sa "Salagubang Walk" nang sumali siya sa 50th edition ng Binibining Pilipinas noong 2013.

Ilang taon ka na ngayon at anong height mo?

"Ang sabi ng Viva kanina, 23 years old ako. I’m 5’8" with confidence," poker-faced na sagot ni Mutya, na 21 years old nang manalo na Miss Supranational noong 2013.

"Yung confidence na 'yan, may kuwento...

"Bago ako sumabak ng Mutya ng Pilipinas noong 2012, first time ko na ite-train ng mga beks, sabi nila, 'Introduce yourself.'

"Sabi ko, I am Mutya Johanna Datul, 19 years old. I’m 5’8."

"Sabi ng mga beks, ‘Dapat say it with confidence, 5’8 with confidence!’

"So inulit ko, 'I’m Mutya Johanna Datul, 19 years old, 5’8 with confidence!'

"Mula noon until now, tinawag na ako ng mga beki ng 'with confidence.'"

Tuluy-tuloy na ba ang pag-aartista mo?

"Tuluy-tuloy na ito hanggang pasikatin ako ng Viva."

Sa tingin mo, may chance kang sumikat?

"Feeling ko, kapag 40 years old na ako, kasi ang feeling ko, kapag 40 years old na ako, talagang hinog na hinog na ako.

"Pipitasin na lang ako ng Viva, ibebenta na lang ng Viva," sabi ni Mutya.

Natural comedienne si Mutya kaya may mga suggestion na habaan ang exposure niya sa Sanggano, Sanggago at Sanggwapo.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN