Nagbukas sa mga sinehan noong March 13 ang Ulan, ang Viva Films movie na pinagbibidahan ni Nadine Lustre.
Timing sa pagpapalabas nito ang acting award na natanggap niya mula sa Young Critics Circle Film Desk (YCC), ang society ng film critics na itinatag noong 1990.
Pitong parangal lamang ang ibinibigay ng YCC sa mga artista at pelikulang karapat-dapat, ang Best Film, Best Performance, Best Screenplay, Best Achievement in Editing, Best Achievement in Cinematography and Visual Design, Best Achievement in Sound and Aural Orchestration at Best Feature Film.
Si Nadine ang Best Performer winner ng YCC para sa 2018 dahil sa pagganap niya sa Never Not Love You, ang “first mature movie” nila ni James Reid na mula sa direksyon ni Antoinette Jadaone.
Sina Perla Bautista (Kung Paano Hinihintay ang Dapit-Hapon), Celeste Legaspi (Mamang), Ina Raymundo (Kuya Wes), Marietta Subong a.k.a. Pokwang (Oda Sa Wala) at ang trio performance nina Perla Bautista, Dante Rivero at Menggie Cobarrubias ng Kung Paano Hinihintay ang Dapit-Hapon ang co-nominees ni Nadine sa Best Performance category ng YCC.
Bukod sa Bst Performer award para kay Nadine, ang Never Not Love You ang pinarangalan na Best Achievement in Sound and Aural Orchestration ng YCC.
Best Film ang Sa Palad ng Dantaong Kulang, Best Feature Films ang Mamang ni Denise O’Hara, Mamu: And a Mother Too ni Rod Singh at ang Ang Pangarap Kong Holdap ni Marius Talampas.
Nagwagi para sa Best Screenplay si Gutierrez Mangansakan II para sa Masla A Papanok, Best Editor si Victoria Chalk para sa Call Her Ganda at Best Cinematographer si Jewel Maranan (Sa Palad ng Dantaong Kulang).
Nakatakda sa August 2019 sa Vargas Museum ng UP Diliman ang pamamahagi ng YCC ng parangal para sa mga nanalo.