Inaasahan ni Movie Workers Welfare Foundation, Inc. (Mowelfund) Trustee and President Boots Anson Roa-Rodrigo na magiging emosyonal ang 45th anniversary celebration ng kanilang foundation sa darating na Sabado, March 23.
Ito ay dahil sa mga malalaking pagbabago na mangyayari, 'tulad ng groundbreaking ceremony para sa bagong gusali ng Mowelfund na popondohan at itatayo ng Victor Consunji Development Corporation, ang kompanyang pag-aari ni Victor Consunji—ang asawa ng former actress at beauty queen na si Maggie Wilson.
Kasama sa kasunduan ng partnership sa pagitan ng Mowelfund at ng VCDC ang pagtatayo ng kompanya ni Consunji ng mga tahanan sa lupa na pag-aari ng foundation na nagkakahalaga ng P18 million bawat isa at tatawaging Mowelfund Residences.
Napagdesisyunan ng board of directors ng Mowelfund na pumasok sa real property development para madagdagan ang pondo at ang mga benepisyo na maibibigay nila sa 4,000 miyembro.
Pahayag ni Boots, "It’s an emotional thing para sa mga empleyado ng Mowelfund, but it’s a case of one step backward, two steps forward.
"Andiyan pa rin yung Mowelfund, hindi naman mawawala, but it will be smaller.
"It’s a very emotional thing, especially for Mayor Erap, kasi siya ang pasimuno na itayo ang building.
"It’s the best way to come up with something that we deem long lasting.
"We would be able to enhance the benefits of the members."
Si Joseph Estrada and founder ng Mowelfund, na itinatag noong 1974.
Ayon naman kay Victor Consunji, sisikapin nilang itayo at matapos sa loob ng anim na buwan ang bagong gusali ng Mowelfund bago i-demolish ang old building na tahanan ng Fernando Poe Jr. Museum, ang pambansang museo ng pelikula at ng Mowelfund Film Institute.
Magkakaroon din ng separate gates ang Mowelfund building at ang Mowelfund Residences para sa privacy ng magkabilang-panig.