Halos hindi na makilala si Carlyn Ocampo dahil ibang-iba na ang itsura nito mula nang mapanood siya sa kanyang huling pelikula, ang suspense-thriller movie na Cry No Fear na ipinalabas sa mga sinehan noong June 2018.
Nagkaroon ng dramatic change sa physical appearance ng 23-year-old singer-actress buhat nang magsimula noong December 2018 ang training niya bilang isa sa pitong miyembro ng Z-Girls, ang bagong K-Pop group na bini-build up ng Zenith Entertainment, ang sikat na entertainment company sa South Korea.
Parang hindi na Pinay ang mukha ni Carlyn dahil mapagkakamalan na siyang tunay na K-Pop star dahil sa kanyang drastic transformation.
Si Carlyn ang nag-iisang Pilipina na miyembro ng Z-Girls na nakatakdang bumisita sa Pilipinas sa March 27 hanggang April 2, 2019 para i-promote ang kanilang grupo at ang single nila na may pamagat na "What You Waiting For?"
Japanese, Taiwanese, Indonesian, Thai , Indian, at Vietnamese ang nationality ng anim na kasamahan ni Carlyn sa Z-Girls.
Para kay Carlyn, isang humbling experience na napili siya ng Zenith Entertainment para maging miyembro ng Z-Girls.
Marami nang natutunan si Carlyn mula nang manirahan siya sa South Korea para sa training ng kanilang grupo na hinuhulaan na magiging next Asian pop sensation.
Maipagmamalaki si Carlyn ng mga Pilipino dahil siya ang leader, main vocalist, at center ng Z-Girls na opisyal na ipinakilala noong February 2019 sa pamamagitan ng isang concert sa Seoul, ang Z-Pop Dream Live Show na ginanap sa 11,000-seater Jamsil Indoor Stadium at napanood sa KBS World Channel.