May dahilan para matuwa at magpasalamat ang direktor na si Irene Villamor dahil kahit may mga bagong pelikula na nagbukas sa mga sinehan noong Miyerkules, March 20, ang Ulan pa rin ang number one movie sa second week nito sa 110 cinemas na pinagtatanghalan.
Taos-puso ang pasasalamat ni Irene at ng Viva Films, ang producer ng Ulan, sa lahat ng mga patuloy na tumatangkilik dahil sa word of mouth na pulido ang pagkakagawa sa pelikula nina Nadine Lustre at Carlo Aquino.
“Maraming salamat sa inyong patuloy na suporta at pagmamahal! Maraming salamat sa inyong pakikipaglaro sa ULAN! (kahit sa totoong buhay ay napakainet!),” ang sabi ni Irene.
Pinasalamatan din ni Irene ang lead actors ng Ulan dahil sa pagbibigay-buhay sa mga karakter nina Maya at Peter.
“Maraming salamat Nadine sa pagbibigay-buhay kay Maya. Sa tapang na tanggapin siya at lahat ng iniisip niya. at sa paniniwala sa kwento niya.
"Sa gitna ng 'water crisis' at lahat ng paghihikahos sa buhay-Pinoy, ano nga ba ang lugar ng pelikula? Madaling sabihin na pang-kaluluwa, pampatawa, panandaliang-aliw upang makalimot sa problema.
“Subalit higit pa roon,maraming salamat sa mga mensahe na nagustuhan ninyo ang ULAN. Anuman ang dulot nito sa inyo, nawa’y manatili kahit papaano. Sa mga manonood pa lang, sa kabila ng lahat sa Pilipinas, maraming salamat!” ang pasasalamat ni Irene na isiniwalat na mga boses nina Dingdong Dantes at Mercedes Cabral ang ginamit sa eksena ng dalawang tikbalang na ikinasal na malaki ang kinalaman sa kuwento ng kanyang blockbuster movie.