Ang six-year-old na si Raphael Landicho ang gumaganap na anak ni Max Collins sa Bihag, ang afternoon drama series ng GMA-7 na mapapanood simula ngayon April 1.
Si Raphael ang nangulit sa kanyang mga magulang na payagan siyang mag-artista noong nakaraang taon.
Nagsimula ang acting career ni Raphael nang sumali siya sa mga workshop; at mula noon, nagtuluy-tuloy na ang paglabas niya sa mga programa ng Kapuso Network.
Ang Bihag ang biggest break ni Raphael at napasakamay niya ang role nang makapasa siya sa audition.
Sabi niya, "Gusto ko po talaga na umarte. Hindi po ako nahihiya kapag umaarte sa harap ng camera.
"Hindi po ako nahihirapan umarte at umiyak kasi po may sarili akong acting coach.
"Naiiyak po ako kapag iniisip ko ang totoong nanay ko at yung mga nangyayari."
Nag-insist din ang child actor na cute siya sa personal at sa television screen.
Saan niya planong gastusin ang kanyang talent fee?
Sagot ni Raphael, "Iniipon po namin sa bangko ang pera ko. Bibili po kami ng bahay.
"Meron po kaming bahay na sarili pero bibili pa kami ng isa."
Sa cast ng Bihag, pinakamalapit si Raphael kay Max dahil sila ang madalas magkasama sa mga eksena.
Jessie ang pangalan ng karakter ni Max kaya "Mama Jessie" ang tawag sa kanya ni Raphael, na maagang nabungi kaya gumagamit din ng pustiso sa mga eksena niya sa Bihag.