Migo Adecer, di pa rin maka-move on dahil sa hit and run incident

IMAGE Jerry Olea

Apektado pa rin si Migo Adecer ng hit-and-run incident na kinasangkutan niya sa Makati City noong March 26, 2019, dahil sa isang recent television guesting, tahimik lamang siya na ibang-iba kumpara sa dating Migo na makuwento at hyperactive.

Nagpakita rin ng pagkagulat si Migo nang marinig nito ang umpisa ng tanong ng TV host na nag-interbyu sa kanya, kahit na walang kinalaman ang tanong sa gulong kinasangkutan niya.

Nakausap ng Cabinet Files si Migo noong March 11, 2019 sa pocket presscon ng Sahaya, ilang araw bago nangyari ang kontrobersya na negative pero nakatulong para makilala siya ng publiko na sumubaybay sa kaso niya.

Makulit at parang bata si Migo sa pocket presscon dahil kahit ang kanyang co-stars na sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix ang tinatanong, siya ang sumasagot na hinahaluan niya ng pagpapatawa.

Ikinuwento noon ni Migo na nakatira siya sa Makati City at kapag lumalabas ng bahay, t-shirt at shorts lamang ang suot niya habang namamasyal.

Iba na ngayon ang sitwasyon dahil sa traumatic experience ni Migo na kailangan ng new environment para hindi niya masyadong maalaala ang insidente na naging dahilan para sampahan siya ng kaso ng Makati Police, ang Revised Penal Code Article 172 o ang falsification by private individuals and use of falsified documents dahil sa paggamit niya ng fake driver’s license.

Pinabulaanan ng legal counsel ni Migo na dalawang lisensya ang ipinakita ng kanyang kliyente sa mga pulis nang maaresto ang young actor.

“My client is vehemently denying that he presented a license during his arrest at N. Garcia.

“As far as he is concerned, he presented just one license, that was when he gave his driver’s license at Rockwell,” pahayag sa Cabinet Files ni Atty. Marie Glen Abraham-Garduque.

Kontra at ibang-iba ito sa sinabi ni Makati City PNP Chief P/Col. Rogelio Simon na tiyak na hindi papayag na masira ang kredibilidad, dahil sa mga television interview sa kanya, siya ang nagsabing lango sa alak si Migo at dalawang driver’s license na magkaiba ang taon ng kapanganakan ang isinuko ng young actor sa mga arresting officer.

Walang mawawala kung susundin ni Migo ang payo na lumipat ito sa Quezon City, sa isang bahay o condo na malapit sa GMA-7, dahil kung mananatili siya sa Makati City, magpapaalaala lamang ito ng karanasan niya na hindi basta-basta mabubura sa kanyang isip.

Hindi na rin magiging madali sa kanya ang maglakad o mamasyal sa Makati City na pambahay lamang ang suot dahil kilala na siya ng mga tao.

Hindi maiiwasang baka makursunadahan siya ng mga bully na alam din ang gulo na napasukan niya.

Mag-isa lamang na namumuhay si Migo kaya mahalaga na manirahan siya sa lugar na hindi malayo sa GMA Artist Center dahil ang mga empleyado nito ang nag-aalaga at nag-aasikaso sa kanya.

 


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN