Luis Manzano, sinuportahan ang premiere ng pelikula ni Jessy Mendiola

IMAGE Jojo Gabinete

Sinuportahan ni Luis Manzano ang red-carpet premiere ng pelikulang Stranded na ginanap sa Cinema 7 ng SM Megamall kagabi, April 8.

Ito ay dahil ang kanyang girlfriend niya na si Jessy Mendiola ang lead actress ng romantic-drama movie ng Regal Entertainment, Inc. na may playdate sa cinemas nationwide sa Miyerkules, April 10.

Ang presence ni Luis ang dahilan para hanapin si Maine Mendoza ng mga nanood dahil ang kanyang boyfriend na si Arjo Atayde ang lead actor ng Stranded.

Tungkol ito sa isang babaeng malapit nang ikasal pero nag-back out dahil sa food delivery guy na nakilala at nakasama niya ng isang gabi nang ma-stranded sila sa loob ng kanyang pinaglilingkurang kompanya nang magkaroon ng malakas na bagyo sa Metro Manila.

Julia ang pangalan ng karakter na ginampanan ni Jessy, at si Arjo ay si Spencer, ang food delivery guy.

Pinatunayan ni Arjo sa Stranded na isa siya sa pinakamahusay na aktor ng kanyang henerasyon dahil sa acting ability na ipinamalas niya.

May comic timing si Arjo kaya kuhang-kuha nito ang kiliti ng audience sa tuwing nagbibitaw siya ng salita na puwedeng maging dahilan para ma-win over niya ang fans ni Maine na tutol sa kanilang relasyon.

May katuwiran naman si Jessy na ipagmalaki ang Stranded dahil nagampanan niya nang maayos ang challenging role na ipinagkatiwala sa kanya ng mga producer at direktor ng pelikula.

Ipinakita rin ni Jessy ang tapang niya sa skydiving na kinunan sa New Zealand.

Nang malaman ni Roselle Monteverde, producer ng Regal, na magbabakasyon sa New Zealand si Jessy at susubukan nitong mag-skydiving, sinagot ng movie company niya ang gastos para maisama sa mga eksena ng Stranded ang death-defying activity ng aktres.

Postscript: Like a true gentleman, hindi masyadong napansin ang pagpasok ni Luis Manzano sa loob ng sinehan para hindi niya maagawan ng atensiyon ang mga bida ng pelikula.

Dumalo rin sa red-carpet premiere ng Stranded ang mga magulang ni Arjo na sina Art Atayde at Sylvia Sanchez.

Tulad ni Luis, alam ni Sylvia kung saan lulugar dahil nauna silang pumasok ng kanyang asawa sa loob ng sinehan.

Nang i-acknowledge ang presence nila at batiin si Sylvia dahil sa best actress award na napanalunan nito sa Sinag Maynila, nagpasalamat lamang siya, pero hindi nag-abalang tumayo para hindi masapawan ang lead stars ng Stranded.

 


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN