Bukas, Palm Sunday, April 14 ang umpisa ng pagpapalabas sa mga sinehan, cable channels at television networks ng “A World at Prayer is A World at Peace,” ang video na project nina Archbishop Soc Villegas at movie industry benefactor Mrs. Marichu Vera Perez-Maceda na nilahukan ng dalawapu’t pitong artista ng GMA-7 at ABS-CBN.
Ang maikling video ay nagpapaalala sa lahat tungkol sa kapangyarihan ng pagdarasal para sa kapayapaan ng buong mundo.
Sa mga Kapamilya star, kabilang si Coco Martin sa nagbahagi ng paniniwala niya sa kahalagahan ng pagdarasal sa ating buhay.
“Ang lola ko ang nagturo sa akin na magdasal.
“Kasi noong bata pa lang ako, lagi niya po akong nakakasama kapag nagsisimba po kami sa Quiapo
“Sa trabaho ko bilang artista at kahit papaano po, nakakapag-direct na ako sa Ang Probinsyano, hindi po namin sinisimulan ang araw na hindi kami nagdarasal.
“Dati, ang hinihiling ko, bigyan lang ako ng trabaho, yung regular, kahit huwag na po akong matulog.
“Dumating po ang pagkakataon na ibinigay Niya sa akin na mula noong 2007 hanggang ngayong 2019, hindi na po ako natutulog.
“Halos araw-araw na po akong nagtatrabaho.
“Ang pangarap ko lang naman po noon, simple.
“Everytime na nagpupunta ako sa Quiapo, nagdarasal ako na sana, bigyan po ako ng trabaho na regular na mabubuhay ko yung pamilya ko.
“Hindi ko po inakala na ang ibibigay po pala sa akin ng Diyos ay sobra-sobra pa sa hiningi ko.
“Kung ano po ako ngayon, kung ano po ang narating ko, alam ko po na ibinigay lamang Niya sa akin ito.
“Para po sa lahat ng kabataan at sa lahat po ng mga pamilya, sana po ipagpatuloy natin ang pagdarasal dahil ito po ay magiging patnubay natin at magiging lakas po natin para magkaroon tayo ng baon na lumaban sa araw-araw na pagsubok natin sa buhay.
“Hindi lang para sa kung anumang blessing ang ibibigay sa atin, kundi para protektahan tayo sa anumang sakit o anumang kapahamakan,” lahad ni Coco na malakas ang pananampalataya sa Panginoon at palaging may dalang Holy Rosary.