Hindi makapaniwala ang apat na miyembro ng Allmo$t na exclusive contract artists na sila ng Viva Records dahil sa kanilang viral hit song na "Dalaga," na unang napakinggan ng publiko noong July 28, 2018.
Napansin ang single ng grupo nina Crakky, Russell, Clien, at Jom dahil sa mga Dalaga Challenge parody sa app na Tiktok.
Kabilang sa mga stars na ginawa ang Dalaga challenge ay sina Vice Ganda, Anne Curtis, at Maine Mendoza. Ang ingay na nilikha ng kanta ang dahilan kaya nakatanggap ang Allmo$t members ng email mula sa Viva Records management.
"Noong una, hindi kami naniwala. Akala namin, joke-joke lang. Naniwala lang kami nang magpunta na kami sa opisina ng Viva," ang kuwento ng tatlong miyembro ng Allmo$t dahil out of the country ang isang kasamahan nila nang makausap sila ng Cabinet Files.
"Para maka-relate ang lahat" sa kanilang mga kanta ang paliwanag ng grupo kung bakit nila pinili ang pangalang Allmo$t.
"Allmo$t kasi yung all, para sa lahat ng listeners. Hindi lang millennials ang target audience namin, pati bata at matatanda na nakaka-relate sa aming mga kanta.
"Mo$t dahil magkakaiba ang genre namin, may rapper, singer tapos yung mga boses namin, may smooth, may matitinis.
"Instead of letter S, dollar sign ang ginamit namin para masarap tingnan sa mata. Magkakaroon ng interes na tingnan."
Sa tulong ng Viva Records at Viva Artists Agency, umaasa ang Allmo$t members na mas marami na ang makakakilala sa kanila.
"Sa ngayon po, bilang pa lang ang nakakaalam na kami ang kumanta ng ‘Dalaga’ kasi wala pa po kaming exposure.
"Minsan, tumutugtog na yung kanta, hindi pa alam ng nagpapatugtog na kami yung kumanta ng Dalaga. Nakakatuwa dahil pinapakinggan nila kahit hindi nila kilala yung mga kumanta.
"May mga nakaka-recognize pero hindi pa ganoon karami. Siyempre po, hindi pa kami kilala.
"Overwhelmed kami na nakikilala kami, nakakapanibago dahil dati hindi kami pinapansin. Ngayon, minamata ka na nila," ang pahayag ng tatlo sa apat na miyembro ng Allmo$t.
To date, may 40 million views na ang "Dalaga" sa YouTube at 12 million streams sa Spotify.
Inihahanda na rin ng Viva Records ang official music video ng "Dalaga" na tiyak ay makapagpapabago sa buhay at lifestyle ng Allmo$t.