Sa tuwing napag-uusapan ang kanyang biological mother na si Gregoria delas Alas na pumanaw noong December 2013, napapaluha si Ai-Ai delas Alas dahil bumabalik ang alaala noong panahong ipinamigay siya sa kapatid ng tatay niya dahil sa sobrang kahirapan ng pamilya nila.
Malungkot ang childhood ni Ai-Ai dahil lumaki siya sa piling ng matandang dalaga na tiya niya.
Naranasan ni Ai-Ai na magrebelde noong kabataan niya dahil sa sobrang higpit ng kanyang adoptive mother.
Labag sa kalooban ng biological mother ni Ai-Ai na ipamigay ito pero wala siyang nagawa dahil sa takot sa kanyang asawa.
Dumanas ng matinding depression ang nanay ni Ai-Ai nang mawalay sa kanya ang bunsong anak na babae dahil dinala ito sa Maynila ng hipag niya.
Pitong taon si Ai-Ai nang malaman nito ang katotohanan tungkol sa tunay na pagkatao niya na naghatid sa kanya ng sobrang kalungkutan, lalo na kapag umuulan.
Nang maging artista si Ai-Ai, napadalas na ang pag-uwi nito sa Calatagan, Batangas para dalawin ang kanyang tunay na ina.
Pero kapag nagkikita sila, umiiyak ang nanay niya dahil pinagsisisihan nito ang ginawang pagpapaampon sa sariling anak.
“Kapag nakikita niya ako, kunwari dadalawin ko siya sa Calatagan, wala pa siyang Alzheimer’s noon, iiyak siya.
“Sabi niya, sorry ipinamigay niya ako.
“Sabi ko, hindi naman niya kasalanan yun, siguro yun ang kapalaran ko,” ang umiiyak na kuwento ni Ai-Ai.
Nag-sorry ba kay Ai-Ai ang kanyang ama? Ito kasi ang may gustong ipaampon si Ai-Ai.
“Hindi. Wala lang, mahigpit yon e,” sagot ni Ai-Ai na umaming may tampo siya sa kanyang ama noong nabubuhay pa ito.
“Napatawad ko na siya kasi kapag iniisip ko, kung hindi naman nila ako ipinamigay, siguro hindi naman ako naka-graduate ng college.
“Baka hindi ako artista kasi nandoon ako sa Calatagan. Puro bundok kaya doon.
“Sabi nga dati ni Miguel [Vera, her ex-husband] noong kami ‘tapos dumalaw siya sa probinsya namin, sabi niya, ‘Grabe ang fate kasi biro mo, dito ka nakatira, puro bundok, ‘tapos naging artista ka.’”
Nang bumalik sa nanay niya ang topic, muling napaiyak si Ai-Ai habang ikinukuwento na napakabait ng kanyang ina.
“Napakabait ng nanay ko. Yung alam mo yung napaka-simpleng babae, maliit na babae, maganda.
“’Tapos, kahit ano ang ibigay mo sa kanya, okey lang siya.
“Kahit kailan, hindi niya ako ini-stress. Kahit kailan, wala kang maaalaala na hindi maganda sa nanay ko, kahit hindi ako lumaki sa kanya,” ang iyak nang iyak na pagpapatuloy na kuwento ni Ai-Ai tungkol sa kanyang ina na hinirang noon na Miss Calatagan sa kanilang probinsiya.