Muling nabigo si ER Ejercito na makabalik sa puwesto bilang gobernador ng Laguna sa midterm polls noong May 13, 2019 dahil natalo siya sa pangalawang pagkakataon ni incumbent Governor Ramil Hernandez.
“Hustisya” ang panawagan ni ER dahil sa kanyang paniniwala na biktima siya ng pandaraya ng mga kalaban niya sa pulitika.
“Nakakalungkot dahil HINDI PO NAGING PATAS AT PAREHAS ANG LABAN.
"Para manalo ngayong 2019 midterm elections, ginamit ng mga desperadong kalaban ko ang Sandiganbayan [President Noynoy Aquino Appointees], text blast machines na ako’y disqualified at nakakulong, massive vote buying [millions of pesos] at ang Smart Magic Wholesale Automated Cheating - HOCUS PCOS Syndicated Electoral Election.
“Nawa’y kalusin sila ng batas sa kanilang patuloy na pagpapayaman sa puwesto at patuloy na panloloko, panggigipit, pagsisinungaling, pagsasamantala at pagnanakaw ng pondo ng taong bayan sa pamahalaang lalawigan ng Laguna.
“Nagdarasal at umaasa pa rin po ang inyong lingkod na dapat magkaroon ng hustisya, kaming mga biktima ni President Noynoy Aquino at gayundin kaming mga biktima ng pandaraya tuwing halalan,” ang may pait at emosyonal na pahayag ni ER dahil sa kanyang nabigong kandidatura.
Masama man ang loob, hindi nakalimutan ni ER na batiin ang asawa niya, si outgoing Pagsanjan Mayor Girlie “Maita” Ejercito na nahalal bilang bise-alkalde ng bayan nila.
Saludo rin si ER sa kanyang anak na si John Paul “Jet” Ejercito na tinawag niyang mayor, kahit nabigo itong manalo bilang alkalde ng Pagsanjan, Laguna.
“Saludo po ako sa aking anak Mayor John Paul "Jet" Ejercito sa kanyang "Sampung Kumpleto Serbisyo para sa Pamilyang Pagsanjeño" na Programa de Gobyerno.
“Sayang at nakakapanghinayang ang malawak na koneksyon at magagandang pangarap at plano ni Mayor Jet para lalo pang dumagsa ang mas maraming programa, proyekto, parangal at negosyante sa bayan ng Pagsanjan.”