Miss Manila ni Erap Estrada, itutuloy ni Manila Mayor-elect Isko Moreno

IMAGE Kathleen Joy Paton Instagram


Hindi ang girlfriend ni Derrick Monsterio na si Kathleen Joy Paton ang huling Miss Manila winner.

Nagbitaw ng salita si Manila City Mayor-elect Isko Moreno na ipagpapatuloy nito ang beauty pageant na ni-revive ng kanyang predecessor na si Mayor Joseph Estrada.

Nang manalong alkalde ng Maynila si Estrada noong May 2013, ibinalik niya ang Miss Manila beauty pageant sa ikalawang taon (2014) ng kanyang panunungkulan bilang pagbibigay-pugay at pagpapahalaga sa mga kababaihan ng siyudad.

Hindi nawawala sa mga Miss Manila speech ni Estrada ang kuwento na malapit sa puso niya ang Miss Manila dahil naging Carnival Queen ng Maynila ang kanyang nanay na si Maria Marcelo noong 1925. Ayon kay Estrada, nagmula ang Miss Manila sa Carnival Queen.

Ipinagdiriwang ang Araw ng Maynila tuwing June 24 at ang coronation ng Miss Manila ang isa sa mga highlight ng okasyon.

Nang hindi palarin si Estrada na magwagi bilang alkalde ng Maynila sa midterm polls noong May 13, 2019, nagkaroon ng mga haka-haka na si Kathleen na ang last winner ng Miss Manila dahil baka ihinto na ng Erap administration ang naturang beauty pageant.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinabulaanan ng isang insider ang balita dahil idaraos pa rin ang Miss Manila sa susunod na buwan, bago bumaba si Estrada sa puwesto sa June 30, 2019.

Sinabi naman ng isang malapit kay Isko na itutuloy nito ang Miss Manila contest kapag nagsimula na ang panunungkulan ng actor-politician bilang bagong alkalde ng Maynila.


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN