Kathryn Bernardo, di inaasahan ang Best Actress award sa Star Awards for Movies

by Jojo Gabinete
Jun 3, 2019
PHOTO/S: Allan Sancon

"Hindi ko talaga alam, I swear."

Ito ang reaksiyon ni Kathryn Bernardo nang tanggapin ang kanyang Best Actress award mula sa 35th Star Awards for Movies para sa performance niya sa The Hows of Us ng Star Cinema.

"Oh my God, first time ko maka-receive ng Movie Actress of the Year award na nakapunta talaga ako sa event and host pa ako," sabi ni Kathryn.

Ka-tie niya si Sarah Geronimo na nanalo naman para sa Philippine adaptation ng Korean movie na Miss Granny.

"Hindi ko talaga alam ‘to, promise," ang same reaction ni Kathryn nang tanggapin nila ni Daniel Padilla ang Movie Loveteam of the Year award para pa rin sa The Hows of Us.

Sabi naman ni Daniel, "Hindi po talaga namin ito alam.

"Nandito po ako dahil sa imbitasyon ng PMPC at sa pagpapakita ko rin ng suporta kay Kathryn sa kanyang pagho-host ngayong gabi."

Inialay ni Daniel ang parangal sa fans nila ng kanyang girlfriend.

Continue reading below ↓

Best Actor winner si Ogie Alcasid, ang lead star ng Kuya Wes.

Bago umakyat ng stage para sa acceptance speech niya, nilapitan at nagbigay-pugay muna si Ogie sa kanyang Best Actor fellow nominee na si Eddie Garcia.

"I am so happy, I am so grateful, I am truly humbled," bahagi ng pahayag ni Ogie.

Si Joel Lamangan ang Best Director awardee para sa Rainbow’s Sunset, na itinanghal ding Movie Picture of the Year.

"Puro Avengers, puro John Wick!" ang maigting na sabi ni Direk Joel, na nababahala dahil paunti nang paunti ang diumano’y nanonood ng Tagalog movies.

"Kailangan po ng tulong ng ating industriya! Baka kinaumagahan, gumising tayo na wala na tayong pelikula.

"Wala na pong magsasalita, wala na pong magsasabi ng ating istorya.

"Baka ang HBO na ang magsabi ng ating istorya. Kawawa naman po tayo.

"Tangkilikin po natin ang ating pelikula," pakiusap ni Direk Joel, na nag-aalalang baka mawalan ang lahat ng trabaho kapag nagpatuloy ang malungkot na kalagayan ng Philippine movie industry.

Continue reading below ↓

Best Supporting Actress si Cherie Gil para sa Citizen Jake, at Best Supporting Actor winner si Arjo Atayde para sa special participation nito sa BuyBust.

Parehong no-show sina Cherie at Arjo sa gabi ng parangal, pero nagpadala ang huli ng sulat ng pasasalamat na binasa ng program host na si Robi Domingo.

Humingi ng paumanhin si Arjo sa hindi niya pagdalo dahil nasa Singapore siya.

New Movie Actress of the Year si Sanya Lopez (Wild and Free), at tie sa New Movie Actor of the Year category sina Ryle Santiago (Bakwit Boys) at Danzel Fernandez (Otlum).

Si Dante Rivero ang recipient ng Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award, at si Laurice Guillen ang tumanggap ng Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera Lifetime Achievement Award.

Bilang pakikiisa sa Centennial Year ng Philippine Cinema na ipagdiriwang sa September 2019, pinarangalan sa 35th Star Awards for Movies ang mga Natatanging Bituin ng Siglo.

Continue reading below ↓

Ito ay sina Eddie Garcia, Anita Linda, Ramon Revilla Sr., Joseph Estrada, Susan Roces, Gloria Romero, Nora Aunor, Vilma Santos, Christopher de Leon, Tirso Cruz III, Phillip Salvador, at Niño Muhlach.

Tulad ng naging tradisyon sa Star Awards, namigay ng mga special award gaya ng Male and Female Celebrity of the Night (Robi Domingo and Iza Calzado), Male and Female Face of the Night (Grae Fernandez and Heaven Peralejo), ang Glowing Guy and Gal of the Night (Jameson Blake and Kira Balinger), at ang Darling of the Press award na napanalunan ni Bulacan Governor-elect Daniel Fernando.

Read Next
Recommended Videos
Trending on PEP.ph
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
PHOTO/S: Allan Sancon
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results