“Bakit hindi ginamitan ng double si Eddie Garcia sa chase scene ng Rosang Agimat?”
Ito ang tanong ng mga nakapanood sa viral video ng pagkakadapa ng 90-year-old veteran actor na dahilan para mawalan ito ng malay.
Madali sa iba ang maghusga at sisihin ang production staff ng GMA-7 sa aksidente na naganap kahapon, June 7, dahil hindi nila alam kung paano magtrabaho si Eddie.
Maraming beses nang nakatrabaho ni Diana Zubiri si Eddie sa pelikula at mga television series kaya saksi siya sa professionalism ng multi-awarded actor na kasalukuyang naka-confine sa ICU ng Makati Medical Center.
Isa si Diana sa maraming artista na nalungkot nang malaman niya ang nangyari sa aktor na hindi pumapayag na gumamit ng stunt double sa mga action scene.
“Sobrang professional si Dad.
“Basta kaya niya na gawin, hindi siya pumapayag na magpa-double sa mga action scene.
“Kahit madaling-araw na, hindi rin siya natutulog sa set dahil ang katwiran niya, binabayaran ang mga artista para maghintay.
“Kung hindi nakikipagkuwentuhan, pakanta-kanta lang siya habang naghihintay na kunan ang kanyang mga eksena.”
"Dad" ang tawag ni Diana kay Eddie dahil sa tunay na buhay, Garcia rin ang family name ng aktres.
“Sinabi ko sa kanya noon na hindi ako totoong Zubiri dahil Garcia talaga ang apelyido ko.
“Ang sabi niya, baka magkamag-anak kami kaya mula noon, anak na ang tawag niya sa akin at Dad ang tawag ko sa kanya.
“Nagte-text at tumatawag siya sa akin para kumustahin ako,” kuwento ni Diana tungkol sa nabuong friendship nila ng veteran actor na nag-umpisa nang malaman nito na pareho ang family name nila.
Sa viral video ng pagkakadapa ni Eddie, maririnig ang pagsigaw ng staff ng “Medics!”
Pinatotohanan ni Diana na may mga medic o medical personnel na nagbibigay ng first aid at naka-standby sa taping ng mga television series ng GMA-7.
Tuwing Martes, Huwebes at Sabado na regular taping days ng Wowowin, may nakaparada na ambulansya sa harap ng GMA-7 Annex building na handang tumulong sa mga manonood ng game show ni Willie Revillame, kung sakaling may mga taong biglang hindi naging maganda ang pakiramdam.
Walang kompanya o television network management na gustong masaktan ang kanilang mga tauhan o employado, kaya dapat maging maingat ang ating mga kababayan sa pagbibitaw ng salita at paghuhusga.
Walang may gustong mangyari ang mga aksidente na hindi naiiwasan pero nag-iiwan sa lahat ng importanteng aral.