Nag-umpisa noong July 1, Lunes, ang "honeymoon period" ni Manila City Mayor Isko Moreno at ng mga Manileño.
Bidang-bida at mabangong-mabango ang pangalan ni Isko sa constituents nito sa pangatlong araw ng panunungkulan niya dahil sa kanyang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas, tulad ng pagpapaalis sa illegal vendors sa Divisoria at Carriedo.
Nanibago ang mga Manileño dahil luminis at lumuwag ang mga kalsada.
Nadaraanan na rin ng mga tao ang mga bangketa na dating inookupa ng mga illegal vendor na ginagamit ang kahirapan sa mali at mababaw na paraan para kaawaan, isang pruweba na sila rin ang nag-e-exploit sa sarili.
Puring-puri si Isko ng mga residente ng Maynila na nabuhayan ng pag-asa dahil ipinakita ng bagong alkalde nila na puwedeng ibalik ang lost glory ng siyudad.
Marami ang humahanga at saludo sa political will na ipinakikita ni Isko sa unang tatlong araw ng kanyang paglilingkod.
Umaasa ang mga Manileño na panghabampanahon at hindi lamang sa umpisa ang pagpapatupad ni Isko sa kanilang lungsod ng mga batas na hindi iginagalang at sinusunod ng mga pasaway na Pilipino.
Pero hindi dapat kalimutan ng Manila residents na magtatagumpay lamang ang magagandang plano ni Isko para sa lahat kung ibibigay nila ang kumpletong kooperasyon at pagkakaroon ng disiplina sa sarili.
Kailangan ni Isko ang kanilang tulong at suporta dahil solong katawan lamang ang Manila mayor laban sa libu-libong illegal vendors na pilit na iginigiit ang kanilang mga kagustuhan at karapatan, kahit alam nila na mali at pagpapakita ng kawalan ng edukasyon at disiplina.