Eddie Garcia at Sharon Cuneta, pararangalan sa VivaCon

IMAGE Cyrus Panganiban for YES! / Noel Orsal
Eddie Garcia at Sharon Cuneta, kikilalanin dahil sa malaking kontribusyon nila sa Viva Films.

Pagkatapos gunitain noong July 30, 2019 ang ika-40 araw ng pagpanaw ng legendary actor na si Eddie Garcia, bibigyan naman siya ng posthumous award sa first-ever Viva Convention.

Dalawang araw magaganap (August 3 at August 4) ang convention sa World Trade Center, Pasay City.

Pararangalan si Eddie sa VivaCon dahil sa malaking kontribusyon niya sa Viva Films bilang aktor at direktor.

Si Eddie ang direktor ng P.S. I Love You, ang unang movie production ng Viva Films noong 1981 na pinagbidahan nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion.

Nagbida rin siya sa maraming pelikula ng Viva Films tulad ng Palabra de Honor, Kung Mahawi Man ang Ulap, Minsan Pa Nating Hagkan ang Nakaraan, Bakit May Kahapon Pa, at Saan Nagtatago ang Pag-Ibig.

Bago siya binawian ng buhay, nakagawa pa si Eddie ng isang pelikula sa Viva Films, ang Sanggano, Sanggago at Sanggwapo, na ipalalabas sa mga sinehan sa susunod na buwan.

Bukod kay Eddie, pararangalan din sa VivaCon ang Megastar na si Sharon Cuneta bilang kauna-unahang Viva Icon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Sharon ang original queen ng Viva Films at isa sa mga bankable actress noong dekada ’80 dahil pinipilahan sa box office ang lahat ng kanyang mga pelikula at bumebenta ang lahat ng mga record album niya sa Viva Records.

Malalim ang pinagsamahan nina Eddie at Sharon dahil ang pumanaw na aktor ang direktor ng mga hit movie ng Megastar, ang P.S. I Love, You, Cross My Heart, Forgive and Forget, at Friends in Love.

 


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN

Close