Isang malaking okasyon sa pamamagitan ng Sine Sandaan ang inihahanda ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pagdiriwang ng ika-100 taon ng Philippine Cinema at magaganap ito sa September 12, 2019 sa New Frontier Theater sa Araneta Center, Cubao, Quezon City.
Pararangalan ng FDCP sa Sine Sandaan (Celebrating the Luminaries of Philippine Cinema’s 100 Years) ang mga artista na itinuturing na alamat sa industriya ng pelikulang Pilipino.
Kikilanin din sa Sine Sandaan ang mga pinakasikat na love teams ng iba’t ibang era ng Philippine Cinema.
Inaasahan ng FDCP na makikiisa sa kanilang ambitious project ang mga artista na napili nila na parangalan dahil sa malaking kontribusyon sa industriya ng pelikulang Pilipino.
Hindi ito ang unang pagkakataon na pararangalan ang mga artistang itinuturing na icons sa pagdiriwang ng Centennial Year ng Philippine Cinema dahil noong June 2019, kinilala sa 35th Star Awards for Movies ang mga Natatanging Bituin ng Siglo.
Kabilang dito sina Tirso Cruz III, Christopher de Leon, Eddie Garcia, Niño Muhlach, Ramon Revilla Sr., Gloria Romero, Philip Salvador, Anita Linda, Susan Roces, Vilma Santos, Nora Aunor at former Philippine President Joseph Estrada.