Shocking para sa moviegoers ang eksena ni Yayo Aguila sa F#*@Bois dahil hindi lamang siya ang umarte kundi pati na rin ang kanyang dila na may sariling buhay.
Ginulat ni Yayo ang mga nanood ng F#8@Bois dahil pumayag siyang makipaghalikan nang dila sa dila sa newcomer na si Royce Cabrera, isa sa mga bida ng pinag-uusapan na pelikula.
Ito rin ang nagbigay ng best-director award kay Eduardo Roy, Jr. at best supporting-actor trophy kay Ricky Davao sa Gabi ng Parangal ng 15th Cinemalaya Independent Film Festival, na naganap noong Linggo, August 11, sa Cultural Center of the Philippines.
“It’s not worth it” ang reaksiyon ng mga nakapanood sa mapangahas na pagganap ni Yayo.
Si Yayo ay minsan nang nakatanggap ng mga papuri sa performance niya sa Kiko Boksingero, na nagpanalo sa kanya ng best-supporting actress award sa 13th Cinemalaya Independent Film Festival noong August 2017.
This year, hindi umubra ang acting ng dila ni Yayo para muli nitong makuha ang paghanga ng mga nakapanood sa performance niya sa Kiko Boksingero.
Sa kabilang banda, hindi nag-iisa si Yayo dahil binigla rin ni Ricky ang F#*@Bois audience dahil pumayag naman siyang halikan ang mga paa ni Royce sa kanilang sex scene.
Ayon nga sa film critic/entertainment reporter na si Mario Bautista:
"He didn't win best supporting actor in Cinemalaya for nothing. the bed scene with two naked boys is totally shocking.
"ricky was so uninhibited, may foot fetish pala ang pervert na mayor at kinain ang paa ng one of the boys. naghugas naman siguro ‘yun ng paa bago nag-take.
"tulala ang mga tao after the movie, unlike sa edward or john denver na nagpalakpakan after the screening.
"dito, parang di nila alam kung paano magre-react."
Kasama namin si Mario nang panoorin namin sa Trinoma Cinema 4 ang F#*@Bois kahapon, August 13.
Nagkataon ding naroroon si Ricky para obserbahan ang magiging reaksiyon ng manonood sa kanilang kontrobersiyal na pelikula.
Nang matapos ang F#*@Bois, tulad ng sinabi ni Mario, walang reaksiyon ang audience dahil tila natulala sila sa mga nasaksihang eksena.
Parang hindi nila maipaliwanag kung ano ang tumama sa kanilang mga sensibilidad.
Hindi namin narinig sa F#*@Bois ang palakpakan na ipinagkaloob ng moviegoers sa mga naunang screening sa Trinoma Cinema 4 ng Edward at John Denver Trending.
Mahusay na direktor si Eduardo Roy Jr. at napatunayan niya ang galing sa kanyang mga nakaraan na pelikula—Bahay Bata, Quick Change, at Pamilya Ordinaryo na tumanggap noon ng mga papuri at palakpak mula sa manonood.
Hindi ito nangyari sa screening ng F#*@Bois.