Pagkatapos mapanood ang Just A Stranger sa special preview nito kahapon sa Platinum Cinema ng Gateway Mall, napatunayan namin na malaking kawalan sa 3rd Pista ng Pelikulang Pilipino ang desisyon ng mga organizer nito na huwag isali sa nabanggit na film festival ang pelikula nina Anne Curtis at Marco Gumabao.
Ang Just A Stranger ang klase ng May-December love affair na magugustuhan ng moviegoers, kahit halos magkasing-edad lamang ang mga physical appearance nina Anne at Marco.
Mahigit sa apat ang sizzling love scenes ng lead stars ng pelikula at kahit may butt exposure si Marco, ang husay ng acting nila ni Anne ang magmamarka sa utak ng manonood.
Tulad ng performances niya sa BuyBust at Sid & Aya, Not A Love Story na nagbigay sa kanya ng best actress nominations, muling ipinakita ni Anne ang husay niya sa pag-arte sa Just A Stranger.
Beautifully photographed si Anne sa kanyang mga eksena kaya may dahilan si Marco at ang direktor na si Jason Paul Laxamana na tawagin siya na "Nag-Iisang Diyosa."
Ang maging blockbuster ang Just A Stranger ang 25th birthday wish ni Marco at malaki ang posibilidad na mangyari ito.
Nakipagtagisan si Marco ng galing sa pag-arte kay Anne at hindi nagkamali ang Viva Films na ibigay sa kanya ang challenging character ni Jericho dahil nagmumura ang chemistry nila sa widescreen.
Si Atty. Ferdie Topacio at ang Manunuri member na si Butch Francisco ang ilan sa mga dumalo sa ginanap na special screening ng Just A Stranger. Pinupuri nina Atty.Topacio at Butch ang performances nina Anne at Marco. Gustung-gusto rin nila ang pagkakaroon ng European feel ng pelikula.
Nang tanungin namin si Butch kung sino kay Marco at sa tatay nito na si Dennis Roldan ang mas magaling na aktor, pareho ang sagot niya dahil mahusay rin daw na artista si Dennis.