Pinalakpakan ng audience ang unang eksena ng pumanaw na legendary actor na si Eddie Garcia sa red-carpet premiere ng comedy movie ng Viva Films na Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo.
Naganap ito nitong Lunes ng gabi, September 2, sa Cinema 1 ng SM Megamall.
Ang Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo ang huling pelikula ng veteran actor na pumanaw noong June 20, 2019 sa edad ng 90.
Imbitado sa premiere night si Lilybeth Romero, ang longtime partner ni Eddie, kaya nasaksihan niya ang pagbibigay-pugay ng manonood sa sumakabilang-buhay na aktor.
Special participation ang billing ng pangalan ni Eddie sa pelikula na pinagbibidahan nina Dennis Padilla, Janno Gibbs, at Andrew E.
Ayon kay Janno, bittersweet ang pakiramdam nila nina Dennis at Andrew dahil sa pagkawala ng isa sa mga aktor na kanilang hinahangaan at nirerespeto.
"For us, bittersweet na last movie niya, e, kasama kami.
"Ako, hanggang sa dubbing, dinub ko siya for one scene, kausap niya si Andrew sa telepono," sabi ni Janno, na ipinarinig ang boses ni Garcia na gayang-gaya niya.
Dagdag ni Janno, "Kung gusto mo na makita sa last movie si Tito Ed, perfect ito, in his element siya, lovable contravida.
"Doon natin siya nagustuhan, di ba? Funny contravida."
Ikinuwento naman ni Dennis na memorable sa kanya ang huling pag-uusap nila ni Eddie, apat na araw bago ito nagkaroon ng aksidente.
"Nakakuwentuhan namin siya sa dressing room.
"Siguro mga one hour to two hours, dire-diretso. Joke time lang kami.
"Ang plano ko, magkuwento ng isang funny joke, pero dahil nakita ko na tawa nang tawa si Tito Ed, umabot ako ng isang oras sa pagkukuwento.
"Naikuwento ko sa kanya yung mga istorya na hindi niya makakalimutan, dalawa yun.
"Yung isa, yung Alamat ng Mahiwagang Palaka, saka yung isa, yung Magulong Daigdig ni Ka Inggo.
"Tawa siya nang tawa."