May suggestion ang mga taga-Marinduqe para maabsuwelto si Enchong Dee sa kanyang di-sinasadyang pagkakamali kamakailan.
Sa presscon niya sa Knowledge Channel nitong nakaraang linggo ay nakuwento niyang nagkaroon siya ng allergic reaction habang nagsi-swimming siya sa dagat ng Marinduque, sa halip na Oriental Mindoro, kunsaan naganap ang insidente.
Sa nauna niyang pahayag ay sinabi niyang ang kanyang allergic reaction ay sanhi marahil ng dumadaloy na kemikal sa tubig mula sa isang mining company na ipinasara ng pumanaw na former DENR Secretary na si Gina Lopez.
Inakusahan din si Enchong na ginamit ang Marinduque para i-promote ang Season 3 ng Agricoolture, ang programa niya sa Knowledge Channel na mapapanood sa October 2019.
Matapos ang isang araw ay agad namang inamin ni Enchong ang kanyang pagkakamali, at mabilis din siyang humingi ng paumanhin sa mga opisyales ng Marinduque Tourism Board pati na rin sa mga residente ng Marinduque.
Pero kahit na humingi na si Enchong ng paumanhin sa Tourism Board ng Marinduque, tila hindi pa rin ito sapat para sa ibang residente.
Para sa offended Marinduqueños, “the damage has been done,” kaya gusto nila na maging celebrity ambassador si Enchong ng kanilang probinsya.
Para raw tuluyang maabsuwelto si Enchong sa kanyang pagkakamali ay i-promote daw sana niya nang libre ang mga tourist attraction sa Marinduque.
In all fairness kay Enchong, wala sa intensyon niya na gamitin ang Marinduque para sa promo at publicity ng Agricoolture.
Nang magkuwento siya sa ginanap na presscon ng Knowledge Channel, walang bahid ng malisya ang kanyang pagkakabanggit sa Marinduque at kinabukasan, nang malaman niya ang pagkakamali, mabilis na humingi si Enchong ng paumanhin.
Kung may mga mamamayan ng Marinduque na nagtatampo kay Enchong, may mga nakakaintindi naman sa kanya at nagsabi na tao lamang siya na nagkakamali.
May pakiusap ang ilang Marinduqueño na huwag nang i-bash ang aktor dahil baka maging dahilan pa ito para matakot na bumisita sa kanilang probinsya ang mga turista.