Hindi man nanalo sa "Bidaman" ang singer-model na si Yuki Yakamoto, parang nagwagi na rin siya dahil ang pagsali sa talent search ng It’s Showtime ang naging instrumento para magkaroon ng linaw ang paghahanap niya sa kanyang Japanese father.
Hindi na nakagisnan ni Yuki ang biological father nito na nagngangalang Kaoru Sakamoto.
Pero nang sumali siya sa "Bidaman," nakatanggap ang 28-year-old aspiring actor ng tawag sa telepono mula sa isang taong nakakaalam sa kinaroroonan sa Japan ng kanyang ama.
May plano si Yuki na pumunta sa Japan para makilala nang personal ang tatay niya, pero baka mangyari pa ito sa susunod na taon dahil nagkasunud-sunod na ang kanyang mga showbiz commitment.
Bilang panganay na anak, inamin ni Yuki na hindi naging madali ang kanyang paglaki dahil sa kawalan ng father figure.
“Medyo mahirap po kasi simula sa pagkabata, naghahanap na talaga ako ng father figure.
"Mahirap siya kasi parang wala kang masandalan kapag may problema ka, kapag kailangan mo ng man-to man na kausap.
"Walang nag-a-advice sa 'yo," sabi ni Yuki tungkol sa pangungulila niya sa isang ama.
Sampung taon nang sinusubukan ni Yuki ang makapasok sa showbiz.
Eighteen years old siya nang magsimula, pero ang pagsali niya sa "Bidaman" ang nagbigay ng malaking pag-asa at mga pagbabago sa kanyang buhay.
Kuwento niya, "Ang dami na po ang nakakakilala sa akin because of It’s Showtime.
"Dati naman, hindi po tayo nare-recognize, 'tapos ngayon, parang kahit saan ako pumunta, ‘Uy, si Bidaman Yuki ‘yan!’
"Sobrang ganda po ng exposure.
"Ang nangyari po kasi sa career ko is slowly but surely, umaangat naman po siya.
"So, feeling ko, mas yun ang nagtatagal kesa sa bigla kang sikat 'tapos bigla ka rin mawawala.
"At least, itong ginagawa natin na path, talagang take it slow, 'tapos learn, learn, learn hanggang makamit mo ‘ung rurok ng tagumpay.
"Ten years na akong nagta-try sa showbiz. Simula po noong 18 years old ako, nagta-try na ako.
"Nag-boyband na po ako, commercial model, nag-extra-extra sa movies, so inaani ko po lahat.
"Willing lang po talaga ako na maghintay at magpasensiya para makamit ko talaga yung pinapangarap ko as a leadin man."
Hindi itinanggi ni Yuki na nakaranas siya ng maraming beses na discrimination sa sampung taong paghihintay niya ng malaking break sa showbiz.
Muling magiging active si Yuki sa pagkanta dahil ibabalik nila ng kanyang kaibigan na si Yheen Valero ang Yheen and Yuki sing and rap, kaya nagkaroon ng re-launch kagabi, September 12, ang kanilang album.
Contract star din si Yuki ng Viva Artists Agency.
Noong nakaraang linggo, nagkaroon siya ng meeting kay Boss Vic del Rosario ng Viva Films para sa pelikulang pagbibidahan nila nina Ryza Cenon at Cindy Miranda na mula sa direksiyon ni Yam Laranas.