Naririto sa Pilipinas ang Japanese actors na sina Joe Nakamura at Kondo Yohdi dahil ipinu-promote nila ang Athlete, ang gay movie na exclusive na mapapanood sa Robinson’s Movieworld simula sa September 25, 2019.
Sina Joe at Kondo ang lead actors ng Athlete at umaasa silang tatangkilikin ng mga Pilipino ang kanilang pelikula para higit daw maunawaan ng ating mga kababayan ang buhay ng mga miyembro ng LGBTQ community.
Isang swimming athlete na hiniwalayan ng asawa ang karakter ni Joe sa Athlete.
Dahil sa sobrang kalungkutan, nahulog ang loob niya at nagkaroon siya ng relasyon sa kapwa lalaki na ginampanan ni Yohdi.
Ikinuwento ni Joe na first time nitong gumanap na gay sa pelikula kaya pinanood niya nang maraming beses ang Hollywood movie na Brokeback Mountain para magkaroon siya ng idea tungkol sa mga love scene na gagawin nila ni Yohdi.
Sinabi ni Joe na hindi lamang ang pagmamahalan ng lalaki at babae ang mapapanood sa pelikula dahil ipapakita rin ang wagas na pagmamahalan ng dalawang lalaki.
Sa mga local celebrity, si Anne Curtis ang nakilala ni Joe nang personal sa guesting nila ni Yohdi sa September 14 edition ng It’s Showtime dahil nag-promote sila ng Athlete.
"I find her beautiful" ang impression ni Joe kay Anne.
Gusto niyang makapareha ang Filipino actress sa isang project kung sakaling mabibigyan siya ng pagkakataon na magkaroon ng acting career sa ating bansa.
Hindi ito malabong mangyari dahil ang Viva International Pictures ang distributor sa Pilipinas ng Athlete.
Kahit unang beses pa lamang ng pagbisita niya sa ating bansa, mabilis na natutunan at namemorya ni Joe ang isang Filipino song na itinuro sa kanya ni Maria Theresa Gow, ang Filipino-Japanese actress na nagsilbing interpreter nila ni Yohdi at cast member din ng Athlete.
Ipinarinig nina Joe at Maria Theresa sa presscon ng Athlete ang sariling version nila ng "Maging Sino Ka Man," ang hit song ni Rey Valera na pinalakpakan ng entertainment writers dahil sa kanilang ipinakita na effort.