Hindi pa sikat na artista si Alden Richards nang makatrabaho siya ni LA Madridejos sa Indio, ang 2013 drama epic-fantasy series ng GMA-7 na pinagbidahan ni Senator Bong Revilla Jr.
Si LA ang assistant director ng Indio at si Alden ang gumanap na young Bong Revilla Jr.
Six years later, muling nagkasama sina Alden at LA sa The Gift, ang drama series ng Kapuso Network na ngayong gabi, September 16, ang pilot telecast.
Si LA ang direktor ng The Gift at si Alden ang lead actor.
Sinabi ni LA na ginulat siya ni Alden dahil hindi pa rin nagbabago ang ugali nito, kahit sikat na sikat na siya kaya hindi naiwasan ng direktor na ikumpara kay Jericho Rosales ang bida ng The Gift.
"Ngayon po nagugulat ako, ini-expect ko na, alam niyo naman yung mga artista, coming from a big hit [Hello, Love, Goodbye], P800 million [ang box-office gross], may some air na...
"Pero itong si Alden, wala.
"Nagugulat pa nga ako kasi gusto ko siyang pagalitan minsan.
"Pinagbibigyan ni Alden yung audience.
"Halimbawa, sa taping namin sa Divisoria, may nakita siyang bata, may nakita siyang matanda, gusto niyang lapitan.
"Siyempre, kapag nilapitan niya yung isa, magre-react lahat, pero hindi maalis kay Alden.
"The same thing na nakita ko dati kay Jericho Rosales.
"Si Echo kasi noon, galing siya sa baba, so yung affinity niya sa mga tao, talagang hindi nawawala.
"Ganyan din si Alden, hindi niya maitago.
"Parang labag pa sa kalooban ni Alden kapag meron siyang hindi pinapansin," kuwento ni LA tungkol sa kabutihan ng kalooban ni Alden.
Joseph ang pangalan ng karakter ni Alden sa The Gift, pero nabulag siya nang matamaan ng bala ang isang bahagi ng kanyang mukha na malapit sa mata niya.
Nang mawalan ng paningin si Joseph, saka lumitaw ang kanyang kakayahang makita ang mga nakaraaang pangyayari at ang mga magaganap pa lamang kapag nahawakan niya ang isang tao.
Ayon kay LA, ang pagiging clairvoyant ng karakter ni Alden sa The Gift ang malaking hamon dahil hindi nila alam kung paano ito tatanggapin ng televiewers.
"May part kami na ipapakita na hindi namin alam kung paano tatanggapin ng mga tao, yung gift ni Alden, yung clairvoyance niya.
"Kapag hinawakan ka niya, makikita niya yung past and future, pero blurred pa rin ’yung image.
"Ayaw namin siya na maging religious, in a sense na naka-box sa Catholic.
"Challenging talaga siya, kung paano tatanggapin ng lahat.
"Nagkaroon din kami ng research na kapag nabaril ang tao sa may sentido, hindi tayo necessarily na mamamatay at may ugat na nagko-connect sa mata.
"Halimbawa, may nag-attempt ng suicide, nagkamali ng pagbaril, ang tinamaan niya lang yung ugat na may koneksiyon sa mata, nabubulag lang siya," paliwanag ni LA tungkol sa role ni Alden sa The Gift.