Naramdaman ni Super Tekla na mahal siya ng Diyos dahil sa launching movie niya, ang Kiko En Lala, na dumating sa kanya noong mga panahong may mga pagsubok siyang pinagdaraanan.
"Noong time na nandoon ako sa kawalan, hopeless case na, matutuloy pa ba itong dream ko?
"Kumbaga sa pasyente, 50-50 na, life support na lang, pero biglang na-revive.
"Kaya kung kaharap ko si Lord, sasabihin ko, 'Hay naku, Lord, thank you kasi binigyan Mo ako ng ganito.'
"Nakakakilabot, ang daming magagaling, ang daming deserving na puwedeng ilagay sa katayuan ko," sabi ni Super Tekla.
Nakaranas ng discrimination at bullying si Super Tekla noong bata pa siya.
"Akala ko kasi itong mukhang ito, pahamak, binu-bully.
"Nognog ako noong bata, pero napaka-strong ng personality ko.
"Nire-reverse ko, kasi dati ayoko ng nilalait ako, kaya dumating ako sa point na ako yung nambu-bully,” aniya.
Kung may pinanghihinayangan man si Super Tekla, ito ay ang pagpanaw ng kanyang ina na hindi na naabutan ang pagpasok niya sa showbiz.
Noong nakararanas si Super Tekla ng mga panglalait dahil sa hitsura niya, ang kanyang ina ang madalas na nagsasabi ng “Hayaan mo lang, anak. Ang ibig sabihin, natutuwa lamang sila sa 'yo.”
Dahil ulila na siya sa ina, ang kanyang amang si Irineo Librada ang sentro ngayon ng atensiyon ni Super Tekla.
Gustung-gusto ni Super Tekla na isama sa Maynila ang tatay niya na matagal nang naninirahan sa isang bukid sa Cotabato, pero ang kanyang ama ang tumatanggi.
"Gusto ko siyang dalhin dito sa Maynila.
"Dinala ko siya one time sa General Santos City, pero hindi siya hiyang.
"Ngayon, nasa bukid siya. Gusto ko siyang iluwas, pero ayaw niya.
"Feeling niya, mamamatay siya dito sa Maynila.
"Namamanas siya kapag dinadala ko sa city.
"Kaya kapag umuuwi ako, siya talaga ang priority ko.
"Pinupuntahan ko agad siya at ibinibigay ko sa kanya ang lahat ng kailangan niya.
"Hindi ko puwedeng palampasin ‘yan, naka-monitor parati ako sa kalusugan niya.
"May tao ako na taga-update dahil minsan naospital siya, sobrang malubha, pero awa ng Diyos, naka-recover naman," kuwento ni Super Tekla.