Hindi ang Nuuk ng Viva Films at OctoArts Films ang unang pelikulang magkasama sina Aga Muhlach at Alice Dixson.
Nagkatrabaho na sila noon sa mga pelikula ng Regal Films tulad ng Joey Boy Munti (1991) at Sinungaling Mong Puso (1992).
Natatawang ikinuwento ni Aga na natatandaan niyang buwisit sa kanya noon si Alice dahil yun ang mga panahon na nagrerebelde siya.
"Buwisit nga siya sa akin noon. Galit siya sa akin noon.
"Ang tingin niya raw sa akin noon, mayabang!" natatawang kuwento ni Aga tungkol sa working relationship nila noon ni Alice.
“Sabi ko nga, rebel days ko yun, parang panahon ng mga lost days ko in the industry that people don’t remember, but I had those time.
“Yun ang mga panahon na kasama ko siya.
"Yun ang panahon na ligaw na ligaw na ligaw ako na parang darating ako sa shooting dahil kailangang dumating.
“Yun ang mga panahon na nasa set ka na, hindi ako dumarating. Presscon, hindi ako dumarating.
"Madami yun, 'tapos darating ako sa presscon, pilit na pilit, 'tapos naka-shorts lang ako, naka-rubber shoes, 'tapos ten minutes sa presscon, lalayas ako.
“Lalakad na lang ako, yun ang panahon na kasama ko siya. Hindi niyo alam yun.
"Ibang-iba na ngayon," pagbabalik-tanaw ni Aga sa nakaraang mahirap nang paniwalaan ng kasalukuyang henerasyon dahil kinikilala na siya ngayon bilang respetado at propesyonal na aktor.
"Lahat ng mga pinagdaanan ko, man, that’s tough.
"People siguro forgot already what I went through the '80s, '90s.
“Ay, naku, good… bad… bad… bad… good… good… good.
"It was always repairing it and fixing it and learning and saying na hindi mo na uulitin ito kapag may mga nagawa kang mali sa buhay mo," pagpapatuloy na kuwento ni Aga tungkol sa pagrerebelde niya noon.
Hindi pa naiimbento noon ang Internet at ang Google, pero ayon kay Aga, open book sa publiko ang buhay niya at wala siyang itinatago kaya hindi isyu kung natatandaan ng mga tao ang kanyang rebellious side noon.
“Okey lang para sa akin, I did not dwell on it. Inayos ko kasi yun.
"Lahat ng nangyaring gulo, kahit sila ang mali, ako ang naloko, ako ang naapi, hindi ko tinataniman ng sama ng loob, kasi inaayos ko ang sarili.
“Ang sa akin, gusto kong mabuhay nang maayos, gusto kong mabuhay nang masaya.”
Postscript: Hindi lamang lead actor si Aga ng Nuuk dahil executive producer din siya ng pelikulang kinunan sa Greenland ang lahat ng mga eksena.
Ang direktor ng Nuuk ay si Veronica Velasco, na siya ring direktor ng mga critically-acclaimed movie na Inang Yaya at Through Night and Day.
Bilib na bilib si Veronica sa professionalism na ipinakita ni Aga sa halos isang buwang pananatili nila sa Greenland para sa shooting ng Nuuk.
Ayon sa kanya, guwapong-guwapo ang aktor sa lahat ng mga eksena ng pelikula na ipalalabas sa mga sinehan simula sa November 6, 2019.