"Ewan ko sa 'yo!” ang natatawang sagot ni Gina Pareño nang itanong ng Cabinet Files ang kanyang pakiramdam bilang Sweet 70 dahil nagdiwang siya ng kanyang 70th birthday kahapon, October 20.
Ang makagawa pa ng maraming pelikula ang nag-iisang birthday wish ni Gina.
Natuwa ang veteran actress nang malaman niya na G or for General Audience ang classification na ibinigay ng MTRCB sa Unforgettable, ang pelikula nila ni Sarah Geronimo na mapapanood sa mga sinehan simula sa October 23, 2019.
"She’s happiness!" description ni Gina tungkol kay Sarah.
"Matagal ko nang gustong makatrabaho si Sarah kaya nagpapasalamat ako kay Boss Vic [del Rosario, Viva Films producer] dahil ako ang napili niyang gumanap na lola ni Sarah sa Unforgettable.
"Napakabait na bata ni Sarah, sobra! Walang kaarte-arte.
"By nature, ganoon siya, mabait, masaya na katrabaho at very professional.
"Nung tinanong ko nga siya, 'O, ano mag-aasawa ka na?' Sabi niya, ‘Oh, my God!’
"Gustong-gusto ko siya," kuwento ni Gina tungkol sa pagsasama nila ni Sarah sa pelikula.
Idinagdag pa ni Gina na pareho sila ni Sarah na mahilig sa mga aso kaya walang dull moments sa set ng Unforgettable.
May tatlong aso si Gina na kasama niya sa kuwarto, limang Labrador, at isang Pomeranian na alaga ng kanyang anak na si Racquel.
"Sinabi mo pa," reaksiyon ni Gina sa komento naming parang nagtatrabaho na lamang siya para sa kanyang mga aso.
Pero walang panghihinayang ang multi-awarded veteran actress dahil natural ang pagiging dog lover niya.
Ang likas na pagmamahal ni Gina sa aso ang dahilan kaya naging malapit siya nang husto kay Milo, ang Jack Russell dog na co-star nila ni Sarah sa pelikula.
"Ang cute-cute ni Milo, napakatalino niya. Gusto ko na nga siya na iuwi.
"Importante ang role ko sa Unforgettable bilang lola ni Sarah dahil kaming tatlo ni Happy [Milo] ang magkakasundo.
"Maski sabihin mo na aso si Happy, madali siyang makaunawa. Kapag wala si Happy, malungkot kaming lahat.
"Itong pelikulang ito, parang dream come true. Ang sarap-sarap ng pakiramdam," ani Gina.