“Ipapagahasa ko ang katawan ko para sa taumbayan,” pabirong pahayag ni Manila City Mayor Isko Moreno na gagawin niya ang lahat para makatulong sa mga nangangailangan.
Ang mga Pilipino sa Cotabato na biktima ng sunud-sunod na malalakas na lindol nitong mga nakaraang araw ang recipient ng financial help mula kay Moreno.
Ang pagmu-model o pagiging celebrity endorser ng isang produkto ang naisip na paraan ni Moreno para makatulong sa mga biktima ng lindol sa Cotabato.
“Ako po ay binayaran ng tatlong milyong piso ng Pascual Laboratories dahil ako po ay pumayag na mag-model ng C-Lium. Model ang peg, e.
“Sabi ko sa Pascual Laboratories, i-address ninyo iyung tatlong milyon na ibabayad niyo sa akin doon sa province of Cotabato.
“Dahil sa Pascual Laboratories, naka-raise tayo kahapon ng tatlong milyong piso. Kahapon po lang ‘yon nagkasarahan dahil alumpihit ako. Parang sinisilihan ang puwet ko, hindi ko malaman kung paano kayo tutulungan diyan bilang Pilipino, hindi bilang mayor ng Maynila,” sabi ni Isko sa recent presscon niya sa Manila City Hall.
“Ito po ang importanteng-importante, kayo diyan sa Mindanao na nanonood na mga kababayan namin. Nalulungkot kami, nakikiramay kami sa provincial government ng Cotabato at lahat ng bayan na sinasakop ng Cotabato at mga tinamaan ng lindol diyan sa Mindanao.
“Ngayon po, nakaisip po kami ng pamamaraan. Siyempre ho, kami sa Maynila, gipit din, meron din kaming pangangailangan na kailangan namin tugunan sa aming mga kababayan dito sa lungsod, pero magkaganoon pa man, nakaisip po tayo ng pamamaraan.
“Ito po iyung pamamaraan. Sa ating mga kababayan sa Cotabato, gusto naming iparamdam sa inyo na hindi kayo nag-iisa sa nangyayari ngayon.
“Kami ay nagkakaisa sa lungsod ng Maynila at ang inyong lingkod ho ay nakaisip ng konting pamamaraan. As usual, nag-model ako.
“Sabi ko naman sa inyo, ipapagahasa ko ang katawan ko para sa taumbayan, bakit ba hindi?”
Bukod sa tatlong milyong piso na talent fee niya bilang product endorser ng Pascual Laboratories, tinanggap din ni Isko ang alok ni Dra. Vicki Belo para maging celebrity endorser ng Belo Medical Clinic, kapalit ang dalawang milyong piso na ibibigay din niya sa earthquake victims sa Mindanao.
“Tumawag sa akin ang magandang-magandang si Miss Vicki Belo. Ang ganda, ang ganda ni Ms Vicki Belo! Hay naku, may asim pa, napakaganda!
“Nag-usap kami ni Ms. Vicki Belo, ako daw ay gagawin niyang modelo.
“Walanghiya, noong nag-aartista ako, halos walang kumukuha sa akin mag-model. Kung kailan naman akong nababawas-bawasan na [ng buhok], but anyway I’m happy.
“It’s no big deal to me doing those things as long as the people will benefit from it. Umoo naman ako dahil ako daw ay magiging model. Ay, maganda ‘yon, thermage!
“Kung gusto niyong aspaltuhin ang mukha niyo para mabatak iyan, iyung thermage ng Belo.
“Sabi ko, nomagka? Straight to the point ako, e. Kasi at the back of my mind, may iniisip ako, e. Alumpihit ako, e.
“Hindi ko talaga matiis kasi ang hirap, nakita ko ang mga picture ng nangyari sa Kidapawan at ng iba pang bayan sa Cotabato.
“Awa ng Diyos, itong mabait na si Vicki Belo, sabi niya yayadba raw siya, dalawang milyon. Ayan dalawang milyon,” kuwento ni Mayor Isko sabay pakita sa P2 million check na payable sa provincial government ng Cotabato.