Ang international Filipino fashion designer na si Michael Cinco ang creator ng fuchsia pink gown na gagamitin ni Miss Universe Singapore Mohanaprahba Selva sa national costume competition ng 68th Miss Universe.
Gaganapin ang grand coronation ng Miss Universe 2019 sa December 8 (December 9 sa Pilipinas) sa Georgia, Atlanta, USA.
Ayon kay Mohana, inspired ng orchid flower na Vanda Miss Joaquim ang kanyang national costume.
Ang Vanda Miss Joaquim ang national flower ng Singapore at malaking karangalan para kay Mohana na si Cinco ang gumawa ng gown niya.
Naririto sa Pilipinas si Mohana dahil si Jonas Gaffud ang trainer niya para sa 68th Miss Universe.
Si Jonas din ang creative consultant ng Miss Universe Singapore kaya binigyan niya si Mohana ng send-off presscon na naganap nitong Lunes ng hapon, November 25, sa Empire Studios sa Uptown Mall, Taguig City.
Lubos ang pasasalamat ni Mohana kay Jonas dahil marami ang nagbago sa personalidad niya, tulad ng pagkakaroon ng self-confidence at wastong paglalakad sa stage.
Mapapansin ang complete transformation ni Mohana mula nang maging mentor nito si Jonas dahil ibang-iba na ang kanyang tindig, pananalita, at physical appearance.
Malayung-malayo ito sa hitsura niya nang manalo siyang Miss Universe Singapore noong October 17, 2019.
Ikinuwento ni Mohana ang pagiging metikuloso at matiyaga ni Jonas sa pagtuturo sa kanya.
Aniya, “He pampers me.”
Smart at eloquent speaker ang 24-year-old biomedical science graduate kaya malaki ang tsansang mapansin siya sa international beauty pageant na sasalihan niya.
Bukas, November 26, ang flight ni Mohana papunta sa Amerika.
Magkasabay silang aalis ni Gazini Ganados, ang official representative ng Pilipinas sa 68th Miss Universe.