Big winner si Judy Ann Santos sa awards night ng 41st Cairo International Film Festival na ginanap kagabi, Biyernes, November 29 (Saturday morning, Philippine time) sa Cairo Opera House sa Cairo, Egypt.
Nanalo si Judy Ann para sa kanyang role sa Mindanao, ang pelikula ni Brillante Mendoza na official entry rin sa 45th Metro Manila Film Festival (MMFF) na magsisimula sa December 25, 2019.
Si Allen Dizon ang co-star ni Judy Ann sa Mindanao. Si Judy Ann ang pangalawang Filipina actress na nagwagi na best actress sa Cairo International Film Festival dahil una itong napanalunan ni Nora Aunor noong 1995 para sa pelikula na The Flor Contemplacion Story.
Dahil sa kanyang international acting award, lalong lumaki ang tsansa ni Judy Ann na manalong best actress sa Gabi ng Parangal ng 45th Metro Manila Film Festival na magaganap sa December 27, 2019 sa New Frontier Theater, Araneta City, Cubao, Quezon City.
Bukod sa best actress trophy ni Judy Ann, pinarangalan ang Mindanao ng Henry Barakat Award for Best Artistic Contribution.
Best actor sa 41st Cairo International Film Festival ang Mexican actor na si Juan Daniel Garcia Trevino para sa role nito sa I'm No Longer Here na nagbigay naman ng Golden Pyramid Award sa direktor na si Fernando Frias.
Silver Pyramid winner ang Ghost Tropic ng Belgian director na si Bas Devos at ang The Fourth Wall ng China ang pinagkalooban ng Bronze Pyramid Award.
Ang Palestinian filmmaker na si Najwa Najar ang tumanggap ng Naguib Mahfouz Award for Best Screenplay para sa Between Heaven and Earth.