Ang journalist na si Raissa Robles ang isa sa mga naging mahigpit na kritiko ng opisyal na pagsisimula ng 30th SEA Games na nangyari kahapon, November 30, sa Philippine Arena.
Ikinumpara ni Robles sa isang perya sa probinsya ang grand 30th SEA Games opening sa pamamagitan ng kanyang tweet na (published as is) “We havery good choreographers - Steve Villaruz, Edna Vida, Nonoy Ftoilan.They could have been tapped for the #SEAGamesOpening. Pucha. Parang nanunuod ka lang ng perya sa probinsiya nito. Why did they not use some of our ballet dancers??????”
Ang mataray na puna ni Robles ang naging dahilan para kuyugin siya ng netizens na kinontra ang kanyang obserbasyon dahil nagustuhan at pinupuri nila ang opening ceremony na siniraan ng nagpapakontrobersyal na journalist.
Hindi rin nakaligtas si Robert Seña sa maanghang na pananalita ni Robles.
Sa gitna ng napakalawak na entablado ng Philippine Arena, solo na kinanta ni Robert ang "Kay Ganda ng Pilipinas" kaya tumanggap din siya ng mga papuri, pero ayon sa kanyang misis na si Isay Alvarez, (published as is) ”Raissa Robles thinks otherwise ( wow naman ale!!)"
Patuloy pang tweet ni Robles (published as is):
“Parang hindi bagay na si Robert Sena ang umawit ng kay ganda ng pilipinas. Ito kaya yung dapat nasi Lea Salonga? Sana kinuha nila baritone na lang."
, Twitter
“Singers who could have sung in place of robert sena - regine velasquez, jessica sanchez, kz tandingan, charice (or has she changed her name?),” ang komento ni Robles na pinararatangan na naparami ang kinain na amplaya.
Dahil puno ng positivity sa katawan, hindi nagpaapekto si Robert sa mga komento ni Robles.
Nakiayon si Robert sa reaksyon ng isang kaibigan nito na, “We don’t mean to please everybody but the ONE WHO called us to do HIS mission” dahil ito raw ang kanyang pakiramdam habang inaawit niya ang "Kay Ganda ng Pilipinas."
Binatikos din ni Robles ang pre-recorded torching nina Senator Manny Pacquiao at Nesthy Petecio sa SEA Games Cauldron sa New Clark, Capas, Tarlac.
Aniya (as published), “Let us agree to disagree. Sa kin, that pre-taped torching was a big time let down. We paid one million dollars to see the lighting of the cauldron in action. Tapos ganon lang?”
Kung may sapat na kaalaman si Robles at ang ibang mga kritiko sa mounting ng mga malalaking event, maiintindihan nila na ang pre-recorded torching ang isa mga paraan na ginawa ng mga sangkot sa production dahil sa nagbabadya na malakas na bagyo na inasahan na papasok kahapon sa Southern Luzon at posibleng makaapekto sa opisyal na pagsisimula ng 30th SEA Games.
Kung halos walang nakita na maganda si Robles tungkol sa SEA Games Opening, kabaligtaran ito ni Jim Paredes, ang veteran singer na kritiko rin ng administrasyon ni President Rodrigo Duterte.
“Congrats sa opening ng SEAG 2019. Could not watch cuz we had a show. Watching clips now on my phone. What a grand show. Congrats to the organizers and artists. Ok athletes Do your best. Mabuhay tayong lahat! Go Philippines,” ang tweet ni Jim na binati rin si Floy Quintos, ang direktor ng SEA Games Opening.
“Nakaka-proud maging Pinoy!” ang reaksyon naman ni Vice President Leni Robredo tungkol sa opening ceremony ng 30th SEA Games.
“Maraming salamat sa ating mga atleta, world champions, mga tagapagtanghal, and to everyone behind the SEAGames 2019 opening ceremony. “ Ang dami nating maipagmamalaki bilang isang bansa at pinakamalakas tayo kapag ang alab ng puso ay iisa.”