Malungkot ang Pasko ni Louise delos Reyes dahil tiniyak niyang mangungulila siya sa kanyang mga magulang na magkasunod na taon na namatay.
Sumakabilang-buhay noong May 2019 ang ina ni Louise na si Elvira Perido at 2018 nang pumanaw ang kanyang ama na si Jun.
Ang pagiging lubos na ulila ang isa sa “my bakit list” ni Louise.
Ito ay dahil nang mawala ang kanyang mga magulang, “Bakit kailangang mamatay ang mga tao?” ang tanong niya sa sarili.
Nang mamayapa ang ina ni Louise, muling nagparamdam sa kanya si Morena Ebrada, ang mystery woman mula sa Mindoro Oriental na biglang lumitaw noong May 2015 at nagpakilala bilang biological mother niya.
Sa exclusive interview noon ni Lhar Santiago kay Morena, sinabi nitong Dharlee Mhay Ebrada ang tunay na pangalan ni Louise at isinilang niya ang kanyang anak noong August 2, 1992.
Personal na pinagharap ng 24 Oras sina Morena at Louise, pero nanindigan ang aktres na si Jun at Elvie Perido ang kanyang mga tunay na magulang.
Nang makausap ng Cabinet Files si Louise sa presscon ng My Bakit List nitong Miyerkules ng hapon, December 4, kinumpirma niya ang pagpaparamdam ni Morena sa pamamagitan ng mga mensahe sa kanyang mga social media account.
Still, hindi naniniwala si Louise na anak ito ni Morena.
Kung kinakailangang sumailalim sila sa DNA test, gagawin daw niya, pero may kamahalan umano ang bayad.
May brilliant idea naman ang isang reporter na hingin na lang nina Louise o Morena ang tulong ni Jessica Soho ng Kapuso Mo, Jessica Soho para makalibre sila sa DNA testing para malaman na ang katotohanan.
Pero sa tono ng pananalita ng aktres, wala nang makapagkukumbinsi sa kanya para paniwalaan ang claim ng babaeng nagpakilala bilang tunay na nanay niya.
Si Louise ang bunso sa tatlong magkakapatid at sa pagkawala ng kanilang ina, nagbitaw ang aktres ng salita na habambuhay na siyang magiging malungkot.
"Kapag naiisip ko, nakakalungkot pero wala, e. ‘Yan ‘yung mga bakit list na hindi masasagot.
"Yun ang mga pain na, I think, never nang mawawala sa akin. Never na akong makaka-get over," may lungkot sa mga mata na pahayag ni Louise.
Magbubukas sa mga sinehan ang My Bakit List sa December 11.
Si Bona Fajardo ang direktor ng My Bakit List at co-stars ni Louise sina Ivan Padilla at Prince Stefan.
Featured Searches: