Kilala si Candy Pangilinan bilang comedienne, pero hindi nito napigilan ang pagpatak ng kanyang luha nang mapag-usapan ang pagiging single parent niya sa nag-iisang anak na si Quentin.
Nangyari ang pag-iyak ni Candy nitong Huwebes ng hapon, December 12, sa renewal ng exclusive contract niya bilang talent ng Viva Artists Agency.
Public knowledge na may autism at attention deficit hyperactivity disorder (ADHD) si Quentin, kaya kakaibang pagmamahal at katatagan ang ipinakikita ni Candy sa mga pagsubok na pinagdaraanan nila ng kanyang anak.
"Oo, pero bakit ako naiiyak?” ang nagtatakang tanong ni Candy sa sarili.
Isang mabuti at mapagmahal na ina si Candy kaya nagiging emosyonal siya kapag napag-uusapan si Quentin.
Nang sabihin ng kanyang mga kausap na okey lang na umiyak siya, may disclaimer si Candy.
"Oo nga, e. Pero hindi po ako malungkot, ha? Gusto kong sabihin sa inyo.
"Feeling ko, because of the need to be able to support Quentin, ang daming talent na lumalabas po sa akin.
"Natututo po akong magsumikap..."
Sa puntong ito, naputol ang sinasabi ni Candy at saka humingi ng paumanhin habang pinupunasan ng panyo ang masaganang luhang pumapatak mula sa kanyang mga mata.
"Sorry, ho… I think because of the situation, I’ve learned to survive and I’ve learned to develop so many other things other than acting."
Maya-maya pa ay pumasok sa boardroom ng Viva Entertainment ang top executives na sina Vincent del Rosario at Veronique del Rosario-Corpus.
"Pinaiyak nila ako,” tukoy niya sa press na parang nagsusumbong na bata sa kanyang mga bossing.
Sa muling pagpirma ni Candy ng exclusive contract sa VAA, sinubukan niyang magsulat ng script at pinag-aaralan na ito ng creative department ng Viva Films.
Most likely, matutupad sa 2020 ang pangarap ni Candy na bumuo ng story at script ng pelikula sa tulong ng kanyang mother studio.
Kasama rin sa mga pangarap ni Candy ang maging direktor ng pelikula na hindi rin malabong mangyari.
Ang Miracle in Cell No.7—na official entry ng Viva Films sa 45th Metro Manila Film Festival—ang huling pelikula ni Candy sa Viva Films para sa 2019.
Isang madre ang role ni Candy dito, at madre rin ang karakter na ginampanan niya sa blockbuster movie na Jowable.
Sa 2020, ang Tililing ang unang movie project ni Candy.
Plano ng Viva Films na isali ang nabanggit na pelikula sa Metro Manila Summer Film Festival sa April 2020.