Kabilang sina Ashley Subijano Montenegro at Joshua de Sequera sa top winners ng 2nd Global Asian Model Philippines na ginanap kagabi, December 13, 2019, sa The Cove ng Okada Manila.
Si Ashley (2nd from L) ang tinanghal na Miss Charm Philippines at siya ang official candidate ng ating bansa sa 1st Miss Charm na idaraos sa Vietnam sa 2020.
Si Joshua ang Global Asian Model Philippines male winner (3rd from R) at female winner naman si Daina Nelson (3rd from L).
Manhunt International Philippines 2019 titleholder si Daumier Corilla (2ndd from R), Mister Global Philippines 2019 si Miko Teng (R), at Supermodel Philippines 2019 si Karen Mendoza (L).

Kapwa former models at television personalities ang mga magulang nina Ashley at Joshua. Si Hans Montenegro ang ama at ang 1994 Bb. Pilipinas-World na si Cara Subijano ang ina ng 20-year-old na si Ashley.
Ang television actress na si Marina Benipayo ang ina ni Joshua, ang 22-year-old model at volleyball player ng College of Saint Benilde.
Si Marina ang kinoronahan na 1992 Miss Maja Pilipinas, pero siya ang ipinadala ng Bb. Pilipinas Charities Inc. bilang representative ng ating bansa sa 42nd Miss World.
Sinuportahan ni Marina ang pagsali sa Global Asian Model Philippines ng kanyang anak na may taas na 6’3" at sumunod sa yapak niya bilang model.
Nakausap si Marina ng Cabinet Files bago ang announcement ng winners at tulad ng isang supportive mother, kabadong-kabado siya para kay Joshua na crowd favorite, at sa umpisa pa lang, hinuhulaang mananalo ng GLAM Philippines male title.
Ang pagiging friendly at mahusay makisama ang isa sa mga katangian ni Joshua na ipinagmamalaki ni Marina, na mapapanood bilang nanay ni Jennylyn Mercado sa Philippine adaptation ng Descendants of the Sun, na mapapanood sa GMA-7 sa February 2020.
Supportive father din si Hans kay Ashley, ang anak nila ng kanyang ex-wife na si Cara.
Former model, actor, at television host si Hans na huling napanood sa 20th anniversary celebration at reunion ng mga hosts ng Unang Hirit, ang early morning program ng GMA 7.