Ang mga artistang iluluklok sa Hall of Fame ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang highlight ng Gabi ng Parangal ng 45th Metro Manila Film Festival.
Gaganapin ito sa New Frontier Theater, Araneta City, Cubao, Quezon City, December 27, 2019.
Ang Hall of Fame award ang special recognition sa mga artistang tatlong beses o higit pang nanalo para sa isang kategorya.
Hindi puwedeng mawala ang mga pangalan nina Nora Aunor, Vilma Santos, Christopher de Leon, Cesar Montano, Amy Austria, at Maricel Soriano sa listahan ng mga Hall of Famer ng MMFF dahil sa mga acting award na kanilang napanalunan.
May walong MMFF best actress trophies si Nora. Ito ay para sa mga pelikulang Atsay (1978), Ina Ka ng Anak Mo (1979), Himala (1982), Bulaklak ng City Jail (1984), Andrea, Paano Ba ang Maging Isang Ina (1990), Ang Totoong Buhay ni Pacita M. (1991), Muling Umawit ang Puso (1995) at Thy Womb (2012).
Apat na beses nanalo si Vilma na best actress sa MMFF dahil sa pagganap niya sa Burlesk Queen (1977), Karma (1981), Imortal (1989), at Mano Po 3 (2004).
Pito naman ang best actor awards ni Christopher mula sa MMFF: Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon (1976), Haplos (1982), Imortal (1989), Nasaan ang Puso (1997), Bulaklak ng Maynila (1999), Mano Po 3, My Love (2004), at Magkaibigan (2008).
Ang Jose Rizal (1998), Bagong Buwan (2001), at Ligalig ( 2006) ang tatlong pelikula ni Cesar na nagbigay sa kanya ng best actor trophy mula sa MMFF.
Tatlo rin ang MMFF best actress award ni Amy Austria: Brutal (1980) Celestina Sanchez, Alyas Bubbles / Enforcer: Ativan Gang (1988), at Trudis Liit (1996).
Lastly, lima ang MMFF best actress trophies ni Maricel dahil sa mahusay na pagganap niya sa Nasaan ang Puso (1997), Filipinas (2003), Bahay Kubo (2007), Yesterday, Today, Tomorrow (2011), at Girl, Boy, Bakla, Tomboy ( 2013).