Ang generosity ni Aga Muhlach sa co-stars nito sa Philippine adaptation ng Miracle in Cell No. 7 ang napansin at pinupuri nina Kim Min Ki at Lee Hwan Kyung, ang producer at director, respectively, ng 2013 blockbuster Korean drama movie.
Bumisita sa Pilipinas sina Kim Min Ki at Lee Hwan Kyung dahil dumalo sila sa red-carpet premiere ng Miracle in Cell No. 7 na ginanap sa SM Megamall Cinema noong Lunes, December 16.
Nagkaroon ng pagkakataon ang dalawa na makilala nang personal si Aga.
Sa pamamagitan ng kanilang Filipino-Korean translator, inihayag nina Kim at Lee ang impression nila sa lead actor ng pelikula.
"Si Aga Muhlach daw, meron siyang karakter na gawing komportable ang co-actors niya.
"Habang nakikipag-usap sila kay Aga, nagiging komportable rin sila kahit personal na conversation lang, so ganoon ang personality ni Aga na nakita nila.
"Noong napanood nila ang pagiging main lead ni Aga, imbes na sobrang nag-thrive siya bilang siya yung magiging focus ng buong movie, nakita nila kay Aga na nakuha nito na maging sentro pero nag-give way pa rin siya sa ibang cast para magawa nila nang maayos ang acting nila.
"Ginawa ni Aga na maging komportable yung ibang mga aktor, hindi yung siya lang ang mae-emphasize.
"Kasi sa mga Korean content, usually, nangyayari, yung main actors, sila yung nagiging sentro ng buong movie.
"Sila lang yung nakikita, napapansin, 'tapos yung mga supporting, supporting lang talaga.
"Pero kahapon, nakita nila na si Aga Muhlach, nagawa niya na kontrolin ang kanyang sarili para mapansin din ang ibang cast."
Ang mga papuri ng Korean producer at director kay Aga ang magpapaalaala sa lahat ng paulit-ulit na pahayag ng aktor sa grand presscon ng Miracle in Cell No. 7 na hindi lamang siya ang bida ng pelikula, dahil mga bida rin ang kanyang mahuhusay na co-stars.
Ipinagtapat naman ni Kim na may mga Filipino movie producer ang lumapit sa kanya para makuha ang karapatang gawin ang Miracle in Cell No. 7, pero pinili niyang ipagkatiwala sa Viva Films ang pagsasapelikula ng Philippine adaptation.
"Sa Philippines daw po, marami ang nag-propose na gusto nila na i-produce ang remake ng Miracle in Cell No. 7.
"Pero nakita nila na sobrang stable na company ang Viva Films, marami nang moviemaking experience at marami rin silang hawak na artists.
"Nakita rin nila ang kakayahan ng Viva na kayang-kayang gawing maging matagumpay ang movie tulad ng tagumpay ng Korean version kaya nag-okey na agad sila,” ang translation ng interpreter sa pahayag ni Kim.