Ayon kay Cesar Montano, ordained datu siya ng Obo Manobo sa Davao kaya tungkol sa mga tribu ang mga pelikulang ginagawa niya lately.
Ipinaliwanag ni Cesar na marami sa mga kabataan ngayon ang hindi na nakakaalam sa tunay na pinagmulan ng lahing Pilipino at obligasyon niya na paalalahanan ang younger generation.
“Ano ba ang pagkakaiba ng mga Muslim at katutubo? Ano ba sila? Iyan yung mga pinagsimulan natin, doon tayo nanggaling.
“Maraming younger generation, hindi nila kilala kung sino sila before.
"Hindi nila maikuwento kasi walang nagkukuwento sa kanila, so we owe it to them. We have to tell the story,” ani Cesar.
Bukod sa pelikula tungkol sa mga katutubong Pilipino na ginagawa niya, magbibida si Cesar sa Hollywood movie na Freedom Fighters na tatampukan nila ni Senator Manny Pacquiao.
Tungkol sa buhay ng World War 11 hero na si Brig. General Macario Peralta, Jr. ang kuwento ng Freedom Fighters at kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa schedule, sisimulan ang shooting sa April 2020.
Pagkumpirma niya, “Nagkausap na kami ni Manny, sinabi ko na iyon sa kanya several times. Maganda ang project, malakas ang impact.
“I have spoken with his [Peralta, Jr.] daughter already. Nagtanong na ako ng maraming questions. Nagkantahan pa kami. I met her in the U.S.”
Hindi ang Freedom Fighters ang unang biographical movie na gagawin ni Cesar dahil siya ang gumanap na Jose Rizal sa 1998 movie with the same title na humakot ng mga parangal sa 24th Metro Manila Film Festival.
Si Cesar ang nanalo na Best Actor para sa Jose Rizal, at ang apat na Best Actor award niya mula sa MMFF (Bagong Buwan, Panaghoy sa Suba at Ligalig) ang dahilan kaya kabilang siya sa mga artista na idedeklara na Hall of Famer sa Gabi ng Parangal ng 45th Metro Manila Film Festival na magaganap sa December 27 sa New Frontier Theater, Cubao, Quezon City.
Nang banggitin namin kay Cesar na interesting rin na isapelikula ang controversial life story ng great Filipino painter na si Juan Luna, sinabi niyang noon pa man, may plano na ang yumaong direktor na si Marilou Diaz-Abaya tungkol dito.
"Matagal na naming project iyan. Nakipag-meeting na kami with the late Marilou Diaz-Abaya with Ben Cabrera.
"Siya ang magtuturo sa akin and the family of the wife of Juan Luna in Forbes.
"We went there. Nag-usap kami.
“Actually, ang title niya is Luna Y Luna. Iyan ang title noon ni Direk Marilou.
"Sa totoo lang, nandoon na ako. Nakikipag-meeting na kami, isipin mo BenCab pa ang magtuturo sa akin.
"Isa iyon sa napakagandang istorya. Very tragic iyon,” ang sabi pa ni Cesar na bagay na bagay na gumanap bilang Juan Luna dahil pareho sila na mga painter, kaya may mga suggestion na ituloy pa rin niya ang Juan Luna movie project.