Ang pagbabalik ng "Tala" ang isa sa mga sorpresa bago nagpaalam ang taong 2019.
Muling naging uso ang four-year-old song ni Sarah Geronimo, na gumawa ng kasaysayan sa local music industry dahil mas sumikat pa ngayon ang "Tala" kesa nang una itong i-release noong December 2015.
Bukod sa successful comeback, naging dance craze ang "Tala," na popular na popular sa mga Christmas gathering at lahat ng klase ng party sa Pilipinas at sa mga pagtitipon ng Filipino community sa iba’t ibang bansa.
Unang naramdaman ang pagbabalik ng "Tala" nang mag-trending ang dance video ni Sarah at ng mga winner ng The Voice sa after-party ng The Voice Kids grand finals noong November 2019.
Lalong nadagdagan ang popularidad ng "Tala" dahil sa feature story ni Jessica Soho sa Kapuso Mo Jessica Soho noong December 15, 2019 tungkol sa dance protest ng grupo ng Bessy laban kay Aling Nelia, ang kanilang kapitbahay na hindi pumayag maglaro sila ng volleyball sa tapat ng bahay ng complainant na hiningi pa ang tulong ng mga pulis.
Ang Bessy ang gay group na may 11 miyembro na nagsayaw ng "Tala" sa harap ng bahay ni Aling Nelia bilang protesta.
Napansin at nakilala ang Bessy dahil sa kakaibang uri ng kanilang pag-alma kaya naimbitahan silang mag-perform at magsayaw ng "Tala" sa It’s Showtime noong nakaraang buwan.
Si Paul Alexei Basinillo ang direktor ng mga concert ni Sarah at nasubaybayan niya ang evolution ng "Tala" kaya ang kanyang opinyon ang hiningi ng Cabinet Files tungkol sa phenomenal comeback ng hit song ng singer-actress.

Pahayag ni Paul, "I think it has something to do with the changing times.
"Tala is a statement song that is apt for today's current events.
"We are all dreamers. Equals."
Patuloy niya, "Tala's message coupled with all the elements of melody, costume, set and choreography made it an instant classic.
"Kapit lang ng mahigpit, Aabutin natin ang mga tala Tala, tala, tala...
"Ang ningning ng mga tala'y nakikita ko sa'yong mga mata."
Ibinalita ni Paul na mula sa 17 million views, pumalo na sa 21 million hits at patuloy na tumataas ang music video ng "Tala."
"The Tala dance craze has also reached different countries with people doing their own cover of the dance,” ani Paul, na isa sa mga executive ng Epik Studios, ang producer ng Penduko na pagbibidahan ni Matteo Guidicelli.
Sinabi ni Paul na dahil sa tagumpay ng "Tala," gumawa ng bagong karakter ang Epik Studios na mapapanood sa Penduko.
Ito ay ang female heroine na binigyan nila ng pangalan na Tala.
"As Epik also prepares for Pedro Penduko for 2020, it is also worth noting that Sarah Geronimo's 'Tala' has inspired Epik Studios to come up with a female heroine from space.
"There are also talks about having a 'Tala' version 2.0, but G-Force and Teacher Georcelle has yet to come up with a new choreography," dagdag na pahayag ni Paul.
Si Teacher Georcelle Dapat-Sy ang choreographer ng "Tala" dance steps.
Nagbabakasyon si Georcelle sa New York nang makausap siya ng Cabinet Files at nagpahayag ng kaligayahan tungkol sa successful comeback ng "Tala."
Gustung-gusto ni Georcelle ang impression ng lahat na isang phenomenon ang "Tala."