Nag-trending ngayong Sabado, January 4, 2020, ang Eat Bulaga dahil sa Bawal Judgmental segment na nagpaluha sa studio audience at televiewers.
Ang former Miss International 1979 at aktres na si Melanie Marquez ang celebrity player sa Bawal Judgmental, at ang hulaan kung sino sa mga invited guest ang hindi pa umaamin sa pamilya na gay sila ang task na ibinigay sa kanya.
Naging madamdamin ang rebelasyon ng mga male guest dahil sa kanilang malulungkot na karanasan at desisyong aminin sa national television ang tunay na sexual orientation nila.
Hindi lamang ang studio audience at televiewers ng Eat Bulaga ang napaluha dahil naging emosyonal din ang mga host na sina Vic Sotto, Paolo Ballesteros, Allan K. at maging si Joey de Leon na nagbiro para gumaan ang mabigat sa dibdib na sitwasyon.
Ang kuwento ni Jimar ang isa sa mga nakapagpaiyak kina Vic at Paolo dahil hindi niya nagisnan ang kanyang biological father mula noong bata pa siya. Nakilala lamang ni Jimar ang tunay na tatay niya noong 2014 pero lingid ito sa kaalaman ng kanyang ina.
Bukod sa pag-amin na gay, ipinagtapat ni Jimar na sinasaktan ito ng kanyang stepfather noong maliit pa siya.
Marami ang pinaluha ni Jimar sa sinabi nito sa kanyang ina na, “Ma, sana matanggap mo ako kasi doon po ako masaya at nagmamahal ako ng kapwa ko.
“Sana matanggap ako ng maraming tao kasi masaya ako ngayon. Naibulgar ko na para maging malaya na rin ako.”
Ang presence ng biological father ni Jimar na si Marcelo sa studio ang sorpresa sa kanya ng Eat Bulaga. Tinanggap ni Marcelo ang tunay na pagkatao ng kanyang anak at ang pagkikita nila ang eksena na muling nagpaiyak kay Vic at sa mga host ng Eat Bulaga.
Nakunan si Vic ng kamera habang nagpapahid ng luha at para mapagaan ang sitwasyon, nagbiro siya ng “Bakit hindi ka naman maiiyak, e bouncer umiiyak?” na patungkol sa ama ni Jimar na nagtatrabaho bilang bouncer.
Ang Bawal Judgmental ang two-month old segment ng Eat Bulaga na popular ngayon at sinusubaybayan ng televiewers. Malaki ang naitulong ng Bawal Judgmental para maungusan ng Eat Bulaga sa ratings ang katapat na programa.