Excited na ang former PBB housemate na si Fifth Solomon sa nalalapit na pagsisimula ng shooting ng Sa Muli, ang drama fantasy movie na unang directorial job niya sa Viva Films at pagbibidahan nina Ryza Cenon at Xian Lim.
May dahilan para matuwa si Fifth dahil siya rin ang sumulat ng kuwento ng Sa Muli na isang period at reincarnation movie kaya matindi ang mga paghahanda na ginagawa niya.
Nagkaroon si Fifth ng idea na sumulat ng kuwento tungkol sa rebirth o reincarnation dahil sa documentaries na napanood niya sa YouTube tungkol sa mga batang naaalaala ang kanilang nakaraan.
“Kapag madaling-araw, hindi ako makatulog.
"Minsan, lumalabas sa timeline sa YouTube yung documentaries and may mga napanood ako na bata na four-years old and naaalala nila yung mga dati nilang buhay, babae sila sa dati nilang buhay.
“Sabi ko, 'Hala, ano kaya ako sa dating buhay?' Mapapatanong ka rin, di ba?
"So, babae siguro ako kaya bakla ako ngayon.
"'Ay, isusulat ko ito!'” ang rebelasyon ni Fifth tungkol sa pinagmulan ng kuwento ng Sa Muli.
Kahit medyo natagalan ang green light para sa kanyang unang pelikula sa Viva Films, hindi nahirapan si Fifth na ilapit ang Sa Muli sa studio executives dahil nangibabaw umano ang pagiging gay niya.
“Very collaborative kami ng Viva. Actually, kinabahan ako noon. Ang ginawa ko, tinungga ko ang isang kape 'tapos inilabas ko ang pagkabakla ko kasi mas matapang yung bakla kesa lalake, kasi iba-iba ang personality ko.
“Sabi ko, babaklain ko ito kasi mga big bosses [ang kaharap ko], so okey naman ako.
"Naikuwento ko sa kanila nang maayos,” ang rebelasyon ni Fifth.
Hindi madali ang gumawa ng isang period movie pero nangako si Fifth na gagawin nito ang lahat para makatipid dahil sa kanyang kagustuhan na matulungan ang mga movie producer.
“Ako, gusto kong tulungan ang mga producer ko lalo na ngayon sa lagay ng industriya ng pelikula. Ang hirap, di ba? Kailangan maka-100 million tayo.
“Nakikipagtulungan ako when it comes to budget at naiintindihan ko sila,” pahayag ni Fifth na malaki ang malasakit sa movie industry.